Home OPINION MARTES, 125 PATAY MIYERKULES, 145

MARTES, 125 PATAY MIYERKULES, 145

125
0

NAPAKABILIS ang paglobo ng bilang ng mga patay sa dalawang bagyong nina Kristine at Leon.

Tanghali noong Martes, may 125 patay sa pinagsamang bangis nina Kristine at Leon.

Pagdating ng tanghali kahapon, umakyat na sa 145 ang mga patay.

Ang missing, 28 noong Martes pero pero kahapon, naging 37.

Habang sinusulat ito, naging supertyphoon na si Leon at binalaan na ng pamahalaang Marcos na maghanda at mag-ingat ang lahat ng daraanan ng bagyo.

Lalo na ang lahat ng nasa northern Luzon mula sa Cagayan Valley, Batanes, Cordillera Autonomous Region at Ilocos Region.

Mag-ingat din lahat ng binaha kay Kristine na patuloy na binabaha ngayon kay Leon kagaya ng mga nakatira sa Region 1 (Ilocos), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 4-A (Calabarzon), Region 4-B (Mimaropa), Region 5 (Bicol), Region 6 (Western Visayas), Region 8 (Eastern Visayas), Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 12 (Soccsksargen), Caraga, Barmm, at National Capital Region.

MABAGSIK ANG DALAWANG BAGYO

Bukod sa mga namatay at missing, grabeng paghihirap at kasiraan din ang idinulot ng mga bagyong ito.

Mahigit 7 milyon katao ang naapektuhan nang husto sa mga ito at nasa 1 milyon ang mga nagbakwit sa mga evacuation center, kamag-anak, kuweba at iba pa.

Mahigit 104,000 bahay naman ang bahagyang napinsala habang nasa 6,500 ang nawasak o nilamon ng baha.

Malapit na ring maging P1 bilyong halaga ng mga ayuda ng pamahalaan mula sa pagkain hanggang gamot, tubig, petrolyo at iba pang naihahatid sa mga biktima.

Alalahanin ding libo-libo pa rin ang mga stranded, hindi lang mga pasahero kundi stranded na sasakyan na naghahatid ng mga kalakal.

IPAGDASAL ANG BUHAY, ‘DI LANG MGA PATAY

Mga araw na nga ng Undas at karaniwang inaaalaala natin ang mga namatay nating kamag-anak, kapitbahay, kaibigan at iba pa.

Kasama na rin sa mga ipinagdarasal ang mga pinaglalamayan at mga missing dahil sa mga bagyo.

Ngunit dapat ding ipagdasal ng lahat ang mga nabubuhay na nagugutom at naghihirap sa haplit na magkarugtong na bagyong Kristine at Leon.

Gayundin na dapat ipagdasal, mga Bro, ang mga stranded na dumaranas ng sakit, kawalan na ng pambili ng pagkain at iba pang hindi magandang kalagayan.

Ang mga magsasaka, mangingisda, negosyante, estudyante, obrero na nasiraan ng mga hanapbuhay at nawalan ng mapapasukan at paaralan, isama na rin sa ating mga panalangin.

MGA KORAP IPAGDARASAL DIN BA?

Baha ang pangunahing pumatay sa mga mamamayan at sumira sa mga ari-arian gaya ng bahay, paaralan, tulay, kalsada at iba pa at hanapbuhay.

Lumabas na nawalan ng saysay ang nasa P500 bilyong proyekto ng pamahalaan laban sa baha sa nakalipas na dalawang taon.

Iba pa ang P132 bilyong halaga na laban sa baha sa Kabikulan, ayon sa reklamo ni Manang Senator Imee Marcos.

Nasaan ang mga epektibong proyektong panlaban sa baha sa mga dambuhalang pondong naipon mula sa mga buwis ng mga mamamayan?

Walang duda, nilamon muna ng mga korap ang malalaking tipak ng mga pondong ‘yan kaya maaaring may ghost project at substandard diyan.

Dapat bang ipagdasal din ang mga ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here