MANILA, Philippines- Pinalitan ng BRP Cabra ang BRP Suluan sa pagpapatrolya at pag-radio challenge ng mga Chinese vessel malapit sa baybayin ng Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Comodore Jay Tarriela na dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) ang namataan 65 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Ayon kay Tarriela, nilalayon ng BRP Cabra na pigilan ang CCG vessels na mapalapit sa baybayin ng Zambales.
Ayon pa kay Tarriela, ang BRP Cabra ay nakikibahagi sa oras-oras na komunikasyon sa radyo sa CCG-3103, na ipinapaalala ang mga paglabag ng Chinese vessel sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang 2016 Arbitral Award. .
Sa kabila ng mapanghamong kondisyon ng dagat at sa laki ng mga alon, ang magigiting na kalalakihan at kababihan sa BRP Cabra ay nananatiling nakatuon sa pangangalaga sa maritime rights ng Pilipinas at pagpapatupad ng panuntunan ng batas habang pinananatili ang paninindigan.
Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ang kanilang barko sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden