COTABATO – Trahedya ang sinapit ng isang guro at ng kanyang buntis na asawa matapos silang pagbarilin at mapatay ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek na pumasok sa kanilang computer shop sa Matalam, Cotabato, noong gabi ng Mayo 14, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Eliser “Esing” Sugaste, guro sa Matalam National High School, at ang kanyang asawang si Lalaine Valdez Sugaste, na nagdadalang-tao.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Matalam Municipal Police Station, naganap ang insidente sa Poblacion, kung saan bigla umanong pinasok ng mga armadong suspek ang kanilang computer shop. Tinangay ng mga ito ang pera ng mag-asawa at isang CRF motorcycle.
Hindi pa nakuntento, pinagbabaril ng mga suspek ang mag-asawa bago tumakas. Kapwa nagtamo ng matitinding tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang agaran pagkasawi.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin para sa kanilang agad na pagdakip. Mary Anne Sapico