Home HOME BANNER STORY Senado, Kamara pinagkokomento ng SC sa impeachment vote rule ni VP Sara

Senado, Kamara pinagkokomento ng SC sa impeachment vote rule ni VP Sara

4
0
Supreme Court

MANILA, Philippines – Inatasan ng Supreme Court (SC) ang Senate impeachment court at House of Representatives na magsumite ng kanilang komento sa petisyong kumukuwestiyon sa bilang ng boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Inihain ang petition for certiorari and prohibition nina Sens. Robinhood Padilla at Christopher “Bong” Go, kasama ang ilang miyembro at kinatawan ng PDP-Laban.

Batay sa SC resolution na may petsang Oktubre 14, binigyan ng limang araw ang Senate impeachment court at Kamara upang magsumite ng kanilang komento.

Kinakatawan sa kaso ang Senate impeachment court nina Senate President Sherwin Gatchalian at impeachment court presiding officer Francis Escudero, habang ang Kamara naman ay kinakatawan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III at ng House prosecution panel na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.

Kuwestiyon ng mga petitioner ang naunang ruling ng Senate impeachment court na nagsasabing tanging mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa impeachment proceedings ang bibilangin sa pagtukoy ng kinakailangang two-thirds vote para sa conviction.

Dahil dito, kung anim na senador ang hindi maaaring lumahok, maaaring bumaba mula 16 patungong 14 boto ang kailangang bilang para sa conviction.

Nakasaad naman sa Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon na walang maaaring ma-convict sa impeachment nang walang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.

Nauna nang ibinasura ng SC noong Setyembre 30 ang tatlong hiwalay na petisyon na kumuwestiyon din sa interpretasyon ng Senate impeachment court sa two-thirds voting requirement dahil sa procedural grounds, kabilang ang lack of standing at prematurity. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here