Manila, Philippines – Sa Mother’s Day episode ng ‘CIA with BA’, tampok ang kwento ng mag-ina na sina John Paul at Nanay Aileen.
Sa kuwento ay nanlumo at nabagbag ang damdamin ng isa sa mga hosts na si Kuya Boy Abunda, na kilala ng lahat na malapit sa kanyang namayapang ina.
Nagreklamo si John Paul tungkol sa umano’y pagpapalayas sa kanya ng kanyang stepdad at ang pakiramdam niyang hindi siya kinampihan ng kanyang ina.
Kwento ni John Paul, tila palaging panig si Nanay Aileen sa kanyang asawa at mga kapatid sa ina.
Nag-umpisa siya sa isang relasyon kasama ang kanyang partner, ngunit nang mawalan siya ng trabaho, nagdesisyon siyang bumalik sa bahay ng kanyang ina.
Pero hindi nagtagal, nagkaroon sila ng matinding tensyon na nauwi sa sagutan.
Paliwanag ni Nanay Aileen, nais na niyang bumukod si John Paul dahil nasa hustong edad na siya.
Ayon sa kanya, nahirapan siyang mamagitan sa alitan sa pagitan ng kanyang anak na lalaki, mga anak na babae, at ang asawa niya. Dumating pa nga sa puntong pinapapili siya ng kanyang asawa kung sino ang mas mahalaga sa kanya.
Sa kanilang paghaharap sa programa, na-realize ni John Paul na may pagkukulang din siya at humingi ng tawad kay Nanay Aileen.
Pinauna na ni Kuya Boy na mas nais niya na makita na magkaayos ang mag-ina upang magpatuloy ang tulong.
Nagbigay din ng legal na paliwanag si Senador Alan Peter Cayetano tungkol sa obligasyon ng magulang sa kanilang mga anak, at nilinaw na may hangganan ito sa edad 18.
“Obligasyon ng parents—ng nanay at tatay—suportahan ang kanilang mga anak: edukasyon, pagkain, kalusugan…
“In fact, makakasuhan ng child abuse [ang magulang] kapag may winithhold ka, halimbawa, hindi mo pinabakunahan o kaya pinalo mo nang masyadong masakit na na-injure,” aniya.
“Having said that, hindi walang hangganan ’yon. ’Pag 18 ka na, pwedeng ituloy ’pag nag-aaral ka pa pero technically kasi, ’pag 18 ka na, tao ka na,” dagdag ni Kuya Alan.
Kasama ng King of Talk na si Boy at si Kuya Alan, napapanood ang CIA with BA tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.