Manila, Philippines – Arestado ang isang Koreanong senior citizen matapos makumpiskahan ng isang sachet ng shabu sa kanyang posisyon sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, Martes ng madaling araw, Mayo 27.
Ayon sa ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), kinilala ang suspek na si Myung So Koh, 63 anyos, isang Korean national at residente ng Wonju, Gangwon-do, South Korea.
Batay sa imbestigasyon, bandang ala-1:00 ng madaling araw nang madakip si Koh sa isinagawang Interdiction Operation na pinangunahan ng PDEA DRA-NCR, kasama ang Bureau of Customs–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI).
Nangyari ang insidente sa Final Security Screening Checkpoint sa International Departure Area ng NAIA Terminal 1 sa Pasay City.
Nakatakda sanang umuwi si Koh patungong Incheon, South Korea sakay ng Asiana Airlines Flight OZ704. Sa kabila ng maayos na pag-check-in, doon na natuklasan ang isang sachet ng hinihinalang shabu sa loob ng kanyang sling bag pagdating sa final screening.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng limang gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P34,000.
Maliban sa ilegal na droga, narekober din mula sa kanya ang isang kulay itim na sling bag na naglalaman ng tatlong kulay itim na disposable lighter na may banyagang sulat, tatlong case ng ballpen na may lamang dalawang aluminum foil, isang self-sealing transparent sachet na may lamang aluminum foil, isang pasaporte na nakapangalan kay Koh (passport number M66395035), at isang cellular phone.
Ang nakumpiskang droga ay dadalhin sa PDEA Laboratory para isailalim sa pagsusuri bilang ebidensya laban sa suspek.
Si Koh ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 26 (Attempt to Transport) na may kaugnayan sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan