Home OPINION NCAP, PARA SA FIRST WORLD COUNTRY NGA LANG BA?

NCAP, PARA SA FIRST WORLD COUNTRY NGA LANG BA?

218
0

SA kabila ng kabutihang idinudulot ng no-contact apprehension policy o NCAP na halos magdadalawang linggo nang ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority, mariin pa rin itong tinututulan ng ilang transport group.

Sa katunayan, sinimulan noong Lunes ang apat na araw na malawakang protesta na binubuo ng grupo ng Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON at Manibela.

Nananawagan sila sa MMDA na ipatigil na ang NCAP dahil hindi umano kakayanin ng mga tsuper ang mga multang ipinapataw sa bawat paglabag sa batas-trapiko.

‘Eh sa kakarampot nga namang kita ng mga driver, masisira lalo ang kanilang kabuhayan kung may citation ticket pa silang babayaran.

Sa ating pagkakaalam dear readers, may mga naka-install na artificial intelligence-powered closed-circuit television camera ang MMDA. Kaya naman masasabi nating hindi uubra ang pakiusapan kung sakaling may paglabag ang isang tsuper kahit pa sabihing may personnel ng ahensya na magrereview sa bawat insidente ng violation. Hindi naman kaila sa inyo kung paano ang movement ng bawat jeepney.

Maya’t-maya ang pagtigil ng isang jeep para sa loading at unloading ng mga pasahero. Malaki ang tiyansa ng swerving at obstruction sa bicycle lane dahil sa kanilang operasyon. Hindi pa kasama dito ang pressure sa driver mula sa ilang pasahero na may katigasan ang ulo sa pagbaba at pagsakay na hindi na kontrolado ng driver. Kaya reckless driving ang mas malamang na citation ticket na maaari nilang matanggap mula sa ahensiya.

Ang iba namang motorcycle rider, gumagawa ng paraan para takpan ang kanilang plaka. Basta’t para sa palusot, napakamalikhain ng ilan nating mga kababayan, He! he! he!

Paalala lamang po, bawal po iyan at may babala na ang MMDA sa mga magtatakip ng kanilang plaka.

Siguro nga, kailangang mag-usap-usap muli ang ahensiya at mga stakeholder sa pagpapatupad ng NCAP.

Kung tayo ang tatanungin, nakabubuti ang NCAP dahil isa ito sa mga remedyo upang maiwasan ang aksidente.

Sa isang banda, kung ito naman ay ikasisira ng kabuhayan ng ilang nating mga kababayan, eh talagang masasabi nating hindi pa ito praktikal na ipatupad sa kasalukuyan nating kalagayan.

Sabi nga ng ibang netizen, para lamang sa first world country ang NCAP at hindi pa ito nababagay sa third world country katulad ng Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here