NORTHERN SAMAR – Patay ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) habang dalawa ang sumuko sa magkakasunod na engkuwentro sa Catubig, Northern Samar nitong Martes.
Ayon sa ulat ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Batay sa report, nasa 30 armadong rebelde mula sa Regional Guerrilla Unit at Sub-Regional Committee Arctic ng Eastern Visayas Regional Party Committee ang nakaengkuwentro ng militar matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente ukol sa presensya ng mga armadong lalaki na nangongotong umano sa lugar.
Pagdating sa nasabing lugar, agad na sinalubong ng mga putok ng baril ang tropa ng pamahalaan, na nauwi sa palitan ng putok.
Tumagal nang ilang minuto ang sagupaan na nagresulta sa pagkasawi ng apat, habang wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa tropa ng pamahalaan.
Narekober naman sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong armas mula sa mga rebelde sa Barangay Nagoocan.
Isang araw bago ang sagupaan, nadiskubre ng 20th Infantry Battalion ang taguan ng armas at pampasabog sa Barangay Roxas, matapos ituro ng isang dating NPA vice squad leader na sumuko sa pamamagitan ng localized peace engagement.
Kabilang sa mga nasamsam ay dalawang M14 rifles, isang M16 rifle, isang M653 rifle, tatlong improvised grenades, at iba pang gamit pandigma.
Pinuri ni Maj. Gen. Adonis Ariel G. Orio ang mga operasyon at hinimok ang natitira pang rebelde na magbalik-loob sa gobyerno sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at National Amnesty Program. /Mary Anne Sapico