Home OPINION ‘PORMAL NA REKLAMO’ HINDI ‘KWENTO’

‘PORMAL NA REKLAMO’ HINDI ‘KWENTO’

213
0

“ALWAYS ready” ang Bureau of Customs na imbestigahan—at sampahan ng kaso kung kailangan—ang sino mang kawani, opisyal nito o iba pang mga may transaksyon sa pantalan na sangkot sa katiwalian, anomalya o insidente ng ‘extortion.’

Ito ang pagtitiyak ni Deputy Commissioner Juvymax Uy ng Intelligence Group matapos “umangal” ang ilang mga importador sa RIS Industrial Park sa Guiguinto, Bulacan sa isinagawang inspeksyon ng BOC noong isang linggo kung saan ilang mga ‘warehouse’ ang ‘napadlock’ sa hinalang may mga itinatagong ‘smuggled goods.’

Sa ‘press release’ ng Guiguinto Business Council, dalawang operatiba ng CIIS ang tinukoy na nagpadlock ng mga warehouse batay sa Letter of Authority na pirmado ni Commissioner Bienvenido Rubio. Bintang pa ng GBC, ginagawang ‘fishing expedition’ ng ilan sa BOC ang kanilang mga operasyon para makapangikil.

At dahil panig lang ng kanyang ‘constituents’ ang kanyang narinig, naglabas din ng pahayag si Bulacan 5th district congressman Boy Cruz kung saan sinabing “indiscriminate” ang ginagawang inspeksyon ng BOC.

Linawin lang natin na hindi natin kailangang idepensa ang BOC hane? Una nga kasi ay walang kwestyunable sa kanilang inspeksyon gamit ang LOA dahil ito ay nasa batas– Section 224 ng RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act of 2016).

Hinggil naman sa iba pang mga bintang laban sa mga operatiba ng Aduana, hindi ba mas tamang gawin ay daanin sa tamang proseso ng pagsasampa ng pormal na reklamo at hindi “pagkukwento” sa mga kasapi ng media o sa kongresista?

Kilala natin ang pagkatao ni DCI Juvymax Uy bilang isang istrikto at disiplinadong opisyal ng Philippine Army. Katulad ni Comm. Rubio (na kahit paano ay kilala rin natin), hindi siya kunsintidor ng mga abusado dahil para sa kanya, “ang mali ay mali,” period!

Isang pruweba na aaksyon ang BOC ay ang pagkahuli ng dalawang ‘customs brokers’ noong Hunyo 3, matapos matanggap ng IG ang pormal na reklamong ‘extortion’ mula sa isang ‘freight forwarder.’

Dahil nga may pormal na reklamo, hinuli. Tama ba kasamang Orlan Mauricio?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here