MANILA, Philippines- Ipagpapaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na nakatakda sa Hulyo sa gitna ng panukalang term extension ng mga opisyal.
Ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ang pahayag nitong Huwebes matapos ratipikahan ng Senado nitong Miyerkules ng gabi ang bicameral conference committee report na naglalayong palawigin ang termino ng panunungkulan ng barangay at SK officials mula tatlo hanggang apat na taon at ipagpaliban ang halaan sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.
Ayon kay Garcia, iginagalang ng Comelec ang mapapagkasunduan at susunod lamang sila.
Ayon pa kay Garcia, hihintayin nila ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung aaprubahan o ibe-veto ang panukalang hakbang.
Sinabi rin ng poll chief na ang poll body ay nakatakdang magsagawa ng emergency meeting sa susunod na linggo upang talakayin ang paghahanda sa BSKE, kabilang ang procurement ng requirements at ang posibleng suspensyon ng voter registration.
Inaasahan naman ni Garcia na aabot sa 70 milyong Pilipino ang magrerehistro para makaboto para sa BSKE.
Tinitingnan din ng Comelec na humirit ng mas mataas na pondo para sa 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden