Home OPINION EX-PCO CHIEF BALIK MAYOR ISKO, MAYNILA

EX-PCO CHIEF BALIK MAYOR ISKO, MAYNILA

333
0

ANG kahusayan sa pamamahala, wastong pagpapasiya, at pagtanaw sa hinaharap ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang naging daan para tanggapin muli ni dating Presidential Communications Office Cesar Chavez ang alok na maging chief of staff nang mauupong “Ama ng Lungsod”.

Ayon kay Chavez, bago pa magsimula ang kampanya noong Pebrero ay kinausap at sinabihan na siya ni Mayor Isko na sumama na sa kanya sa Maynila upang magawa nilaa ang dapat nilang gawin.

Muli aniyang inaalok sa kanya ni Domagoso ang puwesto bilang kanyang COS na nauna na niyang naging papel noong 2019 nang talunin ng batang alkalde si dating Pangulong Joseph Estrada na incumbent mayor noon ng kapitolyo ng bansa.

Pero noong Oktubre 2021, nagbitiw si Chavez sa puwesto bilang chief of staff nang tanggapin ang alok na maging executive ng Manila Broadcasting Company habang si Domagoso ay naghahanda para sa kanyang presidential bid sa 2022 national election.

Nang magwagi sa halalan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakita ng Pangulo ang kahusayan ni Chavez kaya’t, kalaunan ay hinirang siya bilang Undersecretary for Rails ng Department of Transportation.

Noong Disyembre 2023 ay hinirang naman siya bilang Presidential Assistant for Strategic Communications hanggang sa italaga bilang Officer-in-Charge ng Presidential Communications Office noong nakaraang taon.

Kusang nagbitiw sa tungkulin si Chavez sa paniwalang hindi niya naabot kung ano ang inaasahan sa kanya ng Pangulong BBM.

Hindi nagbigay ng partikular na insidente si Chavez kung bakit naramdaman niyang nabigo siyang maabot ang ilang mga target, ngunit nagbigay siya ng mensahe na “will leave with the same enthusiasm, gratitude, and hope for a better future for the country we love.”

Sa ngayon, naniniwala si Chavez na may malaking pagkakaiba na ngayon sa panunungkulan ni Yorme dahil nakatutok ang alkalde sa plano nitong 10-year development plan sa Maynila.

Nakatuon na aniya si Yorme sa mga pangmatagalang programa, proyekto, at wastong pagbibigay ng serbisyo sa mga Manilenyo dahil ito ang paraan niya ng pagbabayad sa tinanggap na malaking suporta mula sa mamamayan.

Inaasahan ngayon pa lang ng mga Manilenyo na muling babalik ang sigla, ganda, kaayusan, at kapanatagan sa lungsod ng Maynila sa muling pagbabalik ni Yorme Isko Moreno bilang alkalde ng Maynila at siyempre, sa tulong na rin ng COS na si Cesar Chavez na puno ng karanasan sa pagbibigay serbisyo publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here