Home OPINION PATIKIM NG TAG-ULAN AT MGA BAGYO

PATIKIM NG TAG-ULAN AT MGA BAGYO

275
0

PINATIKMAN tayo lahat ng masamang anyo ng tag-ulan.

Hindi na lang ang mga nagkaroon ng baha at landslide sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang nabiktima,

Nadamay rin ang milyong mag-aaral.

Nagsama ang low pressure area o LPA at habagat sa pagdadala ng masamang panahon at malalakas na pag-ulan.

Tumama ang LPA sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, and Aurora habang habagat naman ang nanalasa sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, and Occidental Mindoro, Western Visayas at iba pa.

Sa lahat ng lugar, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ng mga baha at landslide.

TAMANG BABALA AT SUSPENDIDONG KLASE

Batay sa mga anunsyo ng PAGASA, tama lang ang aksyon ng gobyerno na magbigay ng babala sa baha at landslide na nakamamatay at nakasisira ng ari-arian.

Partikular na naging mahalaga ang pagsuspinde sa mga klase para maging ligtas sa kapahamakan ang mga bata na mula sa kinder hanggang sa senior high school.

Halos lahat ng school, kasama ang mga pribado, sa buong Metro Manila na nakapailalim sa Department of Education ang sinuspindehan klase.

Subalit higit na diniinan ng DepEd at mga LGU ang mga eskwela na dinapurak ng LPA at habagat sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Aurora.

Maaaring magpatuloy ang suspensyon ng mga klase sa araw na ito, ayon sa PAGASA.

MAPANIRANG MGA BAGYO

Dapat tandaan nating lahat na may 20 bagyo sa loob ng isang taon sa Pilipinas.

Ngayong Hulyo, sinasabi ng PAGASA na maaaring may darating na tatlong bagyo.

Kaya naman, hanggang sa Disyembre ang pinag-uusapan dito.

Ang tiyak, meron at merong darating na super bagyo na bukod sa malalakas na hangin ang dala, may siyam-siyam pang ulan.

At ang masama pa, meron at merong mga magkakarugtong o sabay-sabay na dumating.

Maaaring maulit ang isang bagyong Ondoy na nanalasa sa Metro Manila noong Setyembre 2009 at isang super bagyong Carina na lumusob sa malaking bahagi ng bansa makaraang magdeliber ng State of the Nation Address si Pangulong Bongbong noong Hulyo 2024.

Maaari ring may darating na bagyong Yolanda na lumikha ng napakalaking tidal wave na pumatay ng nasa 8,000 at daan-daang missing sa Kabisayaan noong Nobyembre 2013.

Maaari ring may isa ring Ormoc tragedy na ikinamatay ng mahigit 5,000 katao sa Ormoc City, Leyte nang magiba ang bundok doon bunga ng siyam-siyam na ulan na dala ni bagyong Thelma o Uring noong 1991.

MAGHANDA LAGI

Tuwing may anunsyo ang PAGASA, dapat makinig ang lahat at maghanda nang nauukol.

Pakinggan at sundin natin ang mga ipinag-uutos ng pamahalaan na pag-iingat, kasama ang mga pagbakwit, suspensyon ng mga klase, paghinto sa pangingisda sa karagatan at iba pa.

Makipagtulungan din tayo lahat sa mga aksyon ng pamahalaan para sa paglilibing sa mga namatay, paghahanap sa mga missing at pagpuksa ng gutom at sakit.

Dapat din tayong tumulong sa pagbasag sa mga korapsyon o pandarambong na ginagawa sa mga ayuda sa mga biktima.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here