PAREHONG nahaharap sa mainit na usapin ang dalawang kilalang lungsod sa Metro Manila, ang Maynila na kapitolyo ng bansa at ang Makati na pangalawa sa pinakamayamang lungsod sa buong bansa.
Bagama’t minsan na ring nailagay ang Maynila sa ikatlo sa pinakamayamang lungsod sa buong bansa na may kabuuang asset na P65.252 bilyong piso noong taong 2021, malamang na hindi na ito ganoon kayaman ngayon,
Sa kinakaharap na usapin ngayon ng Lungsod ng Makati at Maynila, maaaring sabihin na pareho sila na usapin ng pananalapi ang ugat ng argumento, pero ang pagkakaiba nga lang, pinagtatalunan ang dami ng salapi ng Makati habang sa Maynila ay pinag-uusapan ang kawalan ng natirang salapi sa kaban ng bayan.
Hindi naman kaila na nagkaroon ng hindi maayos na relasyon ang magkapatid na sina dating Makati Mayor Abby Binay at kanyang Ate Nancy nang tumakbo ang huli bilang alkalde ng lungsod na sa huli ay napagwagian ni Ate Nancy.
Sa Maynila naman, nagpasyang bumalik bilang alkalde si Mayor Isko Moreno dahil sa malakas na panawagan ng taumbayan dahil nasalaula, naging dugyot, at dumami ang krimen sa Maynila.
Ngayon, mainit ang usapin sa Makati dahil pitong araw bago bumaba sa puwesto si Mayor Abby, nilagdaan pala niya ang settlement agreement ng lokal na pamahalaan at ng Infra Development Corporation para sa sinisingil ng huli na danyos na umabot sa $160 milyon o katumbas ng P8.96 bilyong piso kaugnay sa hindi natuloy na Makati Subway System.
Sabi ng kampo ni Ate Nancy, kulang pa ang budget na inilaan ngayong taon ng lokal na pamahalaan na umaabot lamang sa P8.4 bilyon na panggastos sa sahod ng mga kawani, pagkakaloob ng serbisyo, at iba pang benepisyo. Sagot naman ni dating Mayor Abby, sobra-sobra ang pera ng lungsod kaya hindi totoong mawawalan ng gagastusin ang lokal na pamahalaan para sa tao, kawani at iba pang serbisyo.
Kung tutuusin, nakakainggit ang palitan ng akusasyon ng magkapatid dahil puro bilyones at milyones ang salaping kanilang pinag-uusapan habang sa Maynila, bilyones at milyones naman ang nawawalang pondo ng lungsod na pinoproblema ngayon ni Yorme Isko.
Dalawang kilalang lungsod na mayaman kung tutuusin sa asset at pagkakakitaan at parehong bilyon at milyong salapi ang pinag-uusapan. Yun nga lang, sa Makati, dami nilang pera, pero sa Maynila, maraming iniwang utang.






