PORMAL nang inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) ang isang makabagong online platform na layong gawing mas madali at mas maginhawa ang proseso ng pagre-renew ng driver’s license. Sa pamamagitan ng Online Driver’s License Renewal System (ODLRS) na maa-access sa eGovPH app, hindi na kailangang pumunta sa opisina ng LTO upang mag-renew ng lisensya.
Ayon sa LTO, ang bagong sistema ay isang alternatibo sa pisikal na pagpunta sa mga tanggapan ng ahensya, na makatutulong para makaiwas sa gastos sa pamasahe at mahabang pila.
Narito ang mga hakbang para sa online renewal:
1. I-download at i-install ang eGovPH app mula sa App Store o Google Play;
2. Hanapin ang LTO sa loob ng app at piliin ang Online Driver’s Application;
3. I-click ang Renew Your Driver’s License;
4. Mag-upload ng malinaw na larawan ng harap at likod ng inyong lisensya;
5. Hintayin ang beripikasyon ng system mula 1 hanggang 3 minuto;
6. I-review ang mga detalye kung tama, pagkatapos ay i-submit;
7. Kunan ang sarili ng larawan ayon sa ibinigay na pamantayan
Bago mag-aplay, kailangan na gawin ang mga sumusunod:
– Telemedicine medical examination – mag-book ng appointment sa Telemedicine portal sa loob ng ODLRS. Dumaan at tapusin ang online check-up.
– Driver’s Enhancement Program (DEP) – kumpletuhin ang limang-oras na online education program.
Bayad Online – piliin ang payment gateway at bayaran ang kaukulang halaga.
Matapos ang matagumpay na transaksyon, awtomatikong mare-renew ang lisensya at lalabas din sa app ang electronic driver’s license, na may bisa katulad ng pisikal na card.
Maaari ring magpa-deliver ng pisikal na card sa pamamagitan ng courier o kunin ito sa pinakamalapit na LTO district office.
Dagdag pa ng LTO, ang inisyatibong ito ay alinsunod sa panawagan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., sa mas pinabilis at pinalawak na digital na serbisyo ng pamahalaan.
Ang LTO ay patuloy na nagbabago at umaangkop upang mas mapabuti ang serbisyo at maabot ang mas maraming Filipino kahit pa sa ibang bansa.






