OPISYAL na naganap ang ceremonial lights off ng makasaysayang millennium transmitter tower ng kompanyang ABS-CBN noong Hulyo 9, 2025 alas 7 ng gabi na sinaksihan ng executives, talents at workers nito.
Matatandaang ito’y inisyuhan ng cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission at Solicitor General Jose Calida noong Mayo 5, 2020 matapos tumanggi ang NTC na i-renew ang lisensya noong Pebrero 2020.
Pansamantalang napatahimik ang kompanya sa pag-ere sa radyo at telebisyon at libo-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa gitna pa naman ng pandemyang dulot ng COVID-19 noon.
Bago pa tuluyang malugi ay ibinenta na ng pamunuan/may-ari nito sa Ayala Land ang lupang kinatatayuan ng lumang gusali ng Broadcasting Center kasama na ang millennium transmitter tower na babaklasin sa susunod na mga araw. Ito ang malungkot na KAHAPON ng ABS-CBN.
Datapwa’t unti-unti silang bumangon hindi man sa dating radyo at telebisyon ay sinubukan naman nilang ipagpatuloy ang pagbabalita at pagpapasaya sa mga kapamilya sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng iba’t-ibang social media platforms gaya ng youtube, facebook at iba pa.
Nakipag-deal din sila sa iba pang television stations tulad ng ZOE TV11, TV5, GMA 7 at ALLTV2 para maipagpatuloy ang kanilang mga pagbabalita at pagpapasaya.
Samantala, ang lote ng kinatatayuan naman ng ELJ Building ay mananatili pa rin sa ABS-CBN.
Hindi prayoridad sa ngayon ang isang bagong prangkisa para muli nilang pagsasahimpapawid. Mas prayoridad sa ngayon ang mag-focus sa pagiging content creator na lamang muna.
Ang ABS-CBN ay magpapatuloy rin sa isa pa nilang bagong tahanan sa San Jose Del Monte, Bulacan na tinatawag nilang “soundstage” at ito ay kadalasang ginagamit sa produksyon ng ilang eksena sa pelikula o teleserye na katumbas ng ginagawa sa Hollywood gaya ng Warner Bros, Universal Studios, at iba pa.
BUKAS mas nakalalamang na maganda ang kapalarang naghihintay sa ABS-CBN.






