Home OPINION MAY REFEREE SA IMPEACHMENT VS VP SARA

MAY REFEREE SA IMPEACHMENT VS VP SARA

272
0

MAINIT ang labanan sa Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Sa bawat galaw ng magkabilang kampo, may batuhan ng paratang, may sigawan ng foul. Parang laro sa huling quarter na dikit ang score at ramdam ang tensyon.

’Yung supporters ng Impeachment, gusto nang simulan ang trial. ’Yung kabila, gusto itong pigilan at tuluyang ibasura. Lahat may posisyon. Pero sa gitna ng ingay, dapat may isang kalmadong boses na mangibabaw. Sa basketball, kilala natin ito bilang referee.

Sa laro ng ligalidad at Konstitusyon, ang referee ay walang iba kundi ang Korte Suprema. Kapag may nagtatalo kung may foul o wala, referee ang inaasahang tumingin, mag-review, at gumawa ng desisyon. Ganito ang papel ng Korte Suprema ngayon.

Hindi ito tungkulin ng mga senador, kongresista, o ng sinomang may opinyon sa telebisyon o social media. Kahit gaano sila kaingay, hindi sila ang huhusga. Ang dapat pakinggan ay ang boses ng mga mahistrado.

Kaya humingi ang Korte Suprema ng mga dokumento mula sa Kamara. Gusto nilang malaman ang lahat ng detalye, silipin ang replay, suriin ang bawat galaw. Hindi sila basta maglalabas ng pasya hanggang hindi kumpleto ang picture.

Hindi na bago sa Korte Suprema ang ganitong desisyon. Marami na silang naging ruling na hindi ikinatuwa ng ilan, pero sa huli, ang naging basehan ay batas. Hindi emosyon, hindi opinyon at lalong hindi takot sa kapangyarihan.

Ganyan dapat ang mangyari. Kung ang pasya ay ituloy ang impeachment, dapat igalang. Kung ang hatol ay may mali sa proseso at dapat itong ihinto, dapat tanggapin. Hindi tayo ang masusunod sa referee.

Hindi ginawa ang batas para lang sa mga panahong pabor sa atin. Kundi upang sundin kahit mahirap, kahit hindi sang-ayon sa gusto natin.

Kaya sa halip na unahan ang desisyon, mas makabubuti kung kalma muna. Hayaang gawin ng referee ang trabaho niya. At kapag dumating na ang hatol, tanggapin ito nang may respeto.

Kung wala tayong tiwala sa referee, paano tayo makalalaro nang patas?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here