Home OPINION NAKALALASON BA AKSIDENTENG PAGKAIN NG IPIS?

NAKALALASON BA AKSIDENTENG PAGKAIN NG IPIS?

1045
0

PASINTABI muna sa mga kumakain habang binabasa ang maselang kwento natin tungkol sa mga pagkaing kontaminado ng ipis.

Maaari tayong malason ng ipis (cockroach) hindi dahil may lason mismo sa katawan nila, kundi dahil sa mga mikrobyo at dumi na dinadala nila mula sa maruruming lugar papunta sa ating pagkain o kagamitan sa kusina at mesa. Matatawag natin itong “cross contamination” sa usaping food safety.

Gumagala ang mga ipis sa basurahan, imburnal at comfort rooms. Kumakapit sa kanilang paa at katawan ang bacteria (tulad ng Salmonella at E. coli), parasite eggs at fungi. Naipapasa nila ang mga mikrobyong ito kapag napadapo sila sa pagkain, plato o anomang gamit sa kusina maliban sa kanilang pag-ihi o pagdumi.

Delikado ang bacteria dahil nagdadala ito ng mga toxin na dahilan ng food poisoning, diarrhea at typhoid fever.

May parasite ring taglay ang ipis na maaaring magdulot ng bulate sa tiyan at bituka kapag nakain o nainom ang kontaminadong pagkain o tubig.

Mga sintomas ang pagsusuka, pagtatae, lagnat, pananakit ng tiyan at dehydration kung nakonsumo natin ang mga pagkaing ginapangan ng ipis.

Kahit hindi direktang nakain ang ipis puwede pa rin tayong mahawa kung ating nahawakan ang lugar na dinaanan nila kaya napakaimportante ang paghuhugas ng kamay bago kumain.

Kung ang negosyo mo ay pagkain, kailangan ng kombinasyon ng kalinisan, pest control at regular na inspeksyon para masawata ang mga ipis.

Kailangang may daily cleaning sa kusina at dining area; regular na paghuhugas at pagpapatuyo ng mga kagamitan; pagwawalis at pagpupunas ng sahig para maiwasan ang tira-tirang pagkain; paglilinis ng ilalim at likod ng ref, stove, at counters (paboritong taguan ng ipis); pagtatanggal ng grasa sa dingding, sahig, at exhaust fan (ang grasa ay paboritong puntahan ng ipis); pag-aayos ng mga butas at siwang sa pamamagitan ng door sweeps, fine mesh screen at drain cover; paglalagay ng takip sa basurahan; pagtatabi ng pagkain sa sealed containers; regular na pest control; pagbibigay ng training sa staff; at iba pa.

Huwag lamang kalilimutan na itabi ang sanitation permit, pest control records at iba pang mahahalagang dokumentong kailangan ng mga sanitation inspector.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here