Home OPINION TELECONSULTATION SA DRIVER’S LICENSE, LIGTAS NGA BA?

TELECONSULTATION SA DRIVER’S LICENSE, LIGTAS NGA BA?

283
0

ISA sa mga requirement ng Land Transportation Office ang medical examination para sa mga kumukuha ng driver’s license. Kailangan kasing physically at mentally fit sa pagmamaneho para pumasa ang isang aplikante.

Isinasagawa ang renewal sa ngayon sa pamamagitan ng teleconsultation o telemedicine sa eGovPH app at LTO Online Driver’s License Renewal System o ODLRS.

Napakaganda ng ganitong pamamaraan, napakasimple at user-friendly. Pero ang malaking tanong, gaano kaya katatag ang integridad ng ganitong sistema?

Sa nakalap nating impormasyon at tugon mula sa mga eksperto gayundin sa mga doktor na nasa pribadong ospital sa Kamaynilaan, karamihan sa kanila ay tutol sa LTO teleconsultation.

Mas kailangan daw kasing personal nilang masuri ang isang aplikante para masigurong walang malubhang sintomas o significant findings na mahirap makita at maberipika sa teleconsultation.

Halimbawa, kailangan ng isang optometrist ang personal na assessment para masigurong 20/20 ang mga mata ng isang aplikante. Sa kaniyang abiso at gabay, malalaman kaagad ang pangangailangan sa pagsusuot o pagpapalit ng salamin. Dagdag at ibayong pagsusuri ng ophthalmologist naman ang kailangan para matiyak na walang senyales ng panlalabo ng mata dahil sa glaucoma, cataract o diabetic retinopathy. Siyempre, face-to-face din ito, he-he-he.

Alanganin talaga tayo sa teleconsultation, papaano nga naman kung may kakayahang mag-zoom screen ang aplikante mula sa kaniyang computer, tablet o mobile phone habang isinasagawa ang tinatawag na visual acuity test gamit ang snellen chart para sa pagbabasa ng letra, numero o symbols? Puwede nga kayang mandaya?

Isa pa, papano nga pala yung mga aplikante na may taglay na sakit sa puso o altapresyon at bagong usbong na sakit o abnormalities sa pisikal at mental na pangangatawan? Yari tayo diyan!

Sa patuloy nating pagmimiron, naobserbahan din ang kahinaan ng LTO ODLRS dahil dumarating sa punto na ito ay tumitigil habang nasa teleconsultation at habang nasa page ng pagbabayad para makuha o mai-renew ang lisensiya.

Bilang isang safety and health consultant, kasangga natin ang mga doktor na nananawagan kay Pangulong Bongbong Marcos at transport secretary Vince Dizon na ipatigil na ang LTO teleconsultation o telemedicine. Puwede naman kasi ang modernization pero huwag naman sanang madaliin at lagpasan ang angkop na pagsusuring medikal para sa mga kumukuha ng driver’s license.

Suportado natin ang anomang modernization o digitalization project ng pamahalaan pero hindi dapat balewalain at ikompromiso ang kaligtasan ng mamamayan na gumagamit ng lansangan.

Remember, halos araw-araw ay may road crash incident at huwag naman sanang isa sa root causes nito ay dahil lamang sa teleconsultation.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here