NAGKAROON umano ng “iskandalo” noong Biyernes (Agosto 15), sa Olongapo City Prosecutor’s Office, matapos “sumugod” doon si “Jopay” ang dalagita (17-anyos) na kinasangkapan ng umano’y ‘Subic Syndicate’ upang palabasing “rape victim” nang isang ‘long-time foreign locator’ sa Subic Free Port na binabalak naman nilang ‘i-blackmail’ ng P50 milyon.
Himalang “nakatakas” si Jopay sa mga “dumukot” sa kanya matapos ang higit 5-buwan na pagtatago sa kanya.
Kasama sa ibinulgar niya, Prosecutor General Richard Fadullon, ay HINDI siya kailanman nagpunta sa Olongapo OCP upang magsampa ng reklamo laban sa inakusahan, partikular noong Pebrero 13, petsa na tinanggap ng Piskalya ang reklamo. Peke umano ang kanyang pirma sa pekeng reklamo.
Ganito rin ang patotoo ng kanyang ina na nagpunta na sa Olongapo OCP noong Marso 20, upang ipaalam na HINDI rin siya ang nasa likod ng reklamo at peke rin ang kanyang pirma.
Kung “sana” ay ginawa ng mga kasamahan ni City Prosecutor Charlie Yap – Deputy Prosecutor Ria Niña Leonor Sususco at Associate Prosecutor Lilia Elizabeth Hinanay-Escuso—ang kanilang trabaho—ibinasura ang ‘complaint’ dahil nga peke– hindi na sana humantong sa pagsugod ni Jopay para hanapin sila at komprontahin.
Simple lang ang gusto niyang malaman: dahil hindi nga sila ng kanyang ina ang nagsampa ng reklamo, “sino” ang mga taong pinasumpa nitong si Escuso? Meron ba?
Kung agad nga namang nabasura ang reklamo, hindi na marahil umabot sa higit 5-buwan na mistulang bilanggo sa kamay ng mga suspek si Jopay. Aniya pa, matinding ‘trauma’ at ‘torture’ ang kanyang dinanas dahilan upang “makunan/maagasan” pa siya.
At bakit “itinago” kay CP Yap ang kaso ng kanyang mga kasamahan? Hindi ba karapatan ng sinoman na makilala ang piskal na nagsabing nakausap at nakaharap siya kaya kinatigan ang reklamo?
Patuloy na lumalaki ang iskandalong ito at dapat lang marahil na makiaalam na dito ang mga kaibigan natin sa Department of Justice upang hindi tuluyang masira ang kredibilidad ng sistema ng ating hustisya, tama ba, Secretary Boying ‘My Bossman’ Remulla?
Abangan!






