Home OPINION WALA PANG KORAP!

WALA PANG KORAP!

243
0

HABANG tinitipa natin ito, wala pang nakikitang ngalan ng sinomang mambabatas mula sa Kamara, Senado at taga-Palasyo na sangkot sa P350 bilyong maiskam na anti-flood projects.

May imbestigasyon sa Kamara ngunit isasagawa ng tri-committee umano na bubuin ng committees on public accounts, public works at good government.

Sa Senado, sinimulan na ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon mismo ang Malakanyang at tinatawag na ang nasa 15 kontraktor na unang inilista ni Pangulong Bongbong Marcos na nakakopo ng P100 bilyong proyekto mula sa P350B may halong ghost project sa nakalipas na tatlong taon.

IWAS-PUSOY SA KAMARA

Ayon kay Rep. Terry Ridon, ng Bicol Saro Party-list, sesentro sila mismo sa mga proyekto.

Kung maayos ang lagay ng mga proyekto, hindi na sila tutuloy pa sa mga personalidad na nauugnay rito.

Ngunit kung substandard at madaling masira o nasira na nang wala sa oras, dito na sila kikilos para tingnan kung may nagbulsa ng pondo at ang konstraksyon at materyales ay substandard.

At kung may sangkot na kongresman o senador, pasasagutin muna nila ngunit sa kalaunan, ipapasa na ang imbestigasyon sa third party investigator, kasama gaya ng Office of the President.

Kung iisipin, tugma ito sa katwiran ng mga kongresman na alanganing imbestigahan nila ang kanilang mga sarili dahil sila ang pinatutungkulan mismo ni Pang. Bongbong sa kanyang 2025 SONA na may “for the boys, SOP at ghost” projects.

Tanong ng ating Uzi, sa ganyang istayl, hindi kaya magsasayang lang ng pera at panahon ang mga kongresman?

Anong mabubuo ang mga kongresman na maayos na batas kasunod ng kanilang imbestigasyon na magmumukhang hilaw?

PANGANGALANAN SA SENADO

Iba naman sa Senado.

Mismong si Sen. Marcoleta ang nagsabing patungo ang imbestigasyon nila sa pagpapangalan ng mga sangkot o kasabwat na mambabatas o taga-Palasyo o local government officials, hindi lang ang mga kontratista.

Kung magaganap ito, mga Bro, may mabubuong seryosong batas, may pagbabago na mga parusang administratibo gaya ng kanselasyon ng lisensya bilang mga kontrakktor at pagbabawal habambuhay na sumali sa mga transaksyon ng pamahalaan at hindi lang suspensyon at blacklist, at parusang kriminal na mabibigat, gaya ng muling pagbuhay ng death penalty.

PALASYO BILANG THIRD PARTY?

Sa kabila ng panawagan ng iba na bitiwan ng Pangulo ang imbestigasyon nito sa problema, nagpapatuloy ito sa pagtawag sa mga pinangalangan nitong mga kontraktor na sangkot sa mga pagbulsa ng pondo ng mga kontra-bahang proyekto.

Sa pakiramdam ng iba, gusto lang ibangon ng Pangulo ang sarili nito sa usaping ito na sa una’y kanyang ipinagmalaki noong una sa pagkakaroon ng libo-libong proyekto ngunit nalantad ang kapalpakan simula pa noong SONA 2024.

Sa kabila nito, sinasabi ng ating Uzi na pagbigyan siya ngayong siya mismo ang nakakikita ng depektibo at ghost projects sa mga araw na ito.

Makikita ang pagiging seryoso ng Pangulo kung may mga kakasuhan siyang mga kontraktor, kasama ang mga mambabatas, batang Palasyo at mga kamag-anak niyang sangkot o kasabwat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here