CAVITE, Philippines – Isang Senior Citizen ang sugatan matapos sapakin ng isa sa mga magnanakaw na tumangay ng mahigit sa kalahating milyong halaga; nang manloob sa tindahan ng biktima, tinangka pa umanong gahasain ito ng mga suspek.
Base sa nakalap na report, kinilala ang biktima na si alyas Manay, 69 anyos, residente ng Brgy. Poblacion, Silang Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:45 ng madaling araw nasa kasarapan umano ang tulog ng biktima nang magising ito dahil sa ingay.
Nakarinig ito ng tila inaangat na ang dingding kung kaya’t agad itong tumayo upang tingnan, laking gulat na nakita nito ang 2 lalaking sa loob.
Mabilis umano siyang nilapitan ng 2 suspek na kapwa may takip ang mukha at tinutukan siya ng patalim kasunod na sinabihan na papatayin siya nito kapag nag ingay.
Napag alaman na tinangka pa umano siyang halikan ng mga ito subalit nagmakaawa ang biktima at sinabing kunin na lamang ang lahat ng gustong kunin wag lamang siyang pagsamantalahan.
Kaagad na nilimas ng mga suspek ang pera, alahas at mahahalagang gamit ng biktima.
Tinangka pa ng biktimang alisin ang takip sa mukha ng isa sa mga suspek ngunit sinapak siya nito.
Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang mga ito at tangay ang isang malaking necklace na nagkakahalaga ng P 65,000.00, 1 diamond ring na may halagang P90,000.00, 1 pang sing sing na may halagang P30,000.00, at cash money na hindi bababa sa P150,000.00 at iba pang mahahalagang gamit ng biktima.
Nasa mahigit kumulang sa kalahating milyong piso ang natangay ng mga suspek.
Sa ginawang follow up operations ng mga otoridad nakilala ang mga suspek na sina alyas Nick at Rodel kapwa residente sa naturang lugar.
Naaresto na ang isa sa mga suspek na si alyas Nick at pinaghahanap pa ang kasama nito. MARGIE BAUTISTA