MANILA, Philippines – HINDI magbabago ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng napaulat na nadagdagan ang presensiya ng mga Chinese sa nasabing lugar.
Binigyang diin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang anumang pagbabago ay magiging “to the great detriment of our national interest.”
“To change our stance will be [to the] great detriment of our national interest. That is something nobody can do under our Constitution and our moral obligation,” ang sinabi ni Teodoro sa mga mamamahayag sa sidelines ng National Heroes Day rites sa Libingan ng mga Bayani.
“Obligasyon natin sa taumbayan at hindi pwedeng magpalit,” aniya pa rin.
Sinabi ng Kalihim na nananatiling matatag ang posisyon ng gobyerno at muling inulit ang inihayag at pagtiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi kailanman ikokompromiso ng bansa ang soberanya nito at consistent sa international law at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“Sumusuporta ang maraming bansa kasi pareho ang interest — international law at UNCLOS,” aniya pa rin.
Kinumpirma naman ni Teodoro na na napansin ng Armed Forces of the Philippines ang nadagdagan na presensiya ng China hindi lamang sa Ayungin Shoal kundi maging sa ibang bahagi ng WPS, bagama’t nabanggit niya na ang gayong mga paggalaw ay hindi karaniwan.
Nagbabala rin si Teodoro laban sa disinformation, tinukoy ang ‘false claims’ gaya ng sinasabing towing ng BRP Sierra Madre mula Ayungin at online posts na nagpapanukala na ang Batanes ay bahagi ng Tsina.
“Walang kumpirmasyon at mag-ingat tayo sa fake news… marami talagang fake news,” aniya pa rin.
At nang tanungin ukol sa kaligtasan ng mga Filipino troops na naka-istasyon sakay ng BRP Sierra Madre, tinuran ni Teodoro na nananatiling secure ang mga ito subalit palagiang nakaalerto.
“At this time, wala po kaming nakikita, but of course laging listo. Hindi mo alam eh kung ano ang nasa isip nung mga ‘yan,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.
Samantala, hindi nagbabago ang posisyon ng Pilipinas na igiit ang sovereign rights nito sa Ayungin Shoal at ang mas malawak na WPS, naka-angkla sa 2016 Arbitral Award na nagpapawalang-saysay sa nine-dash line ng Tsina na ginagamit nito para angkinin ang South China Sea. Kris Jose