DAHIL nasimulan na ang imbestigasyon sa daan-daang bilyong pisong korapsyon at pandarambong sa flood control projects, dapat simulan o isunod na rin ang sa school building projects.
Mismong si Vice President Sara Duterte o Inday Sara ang nagsusulong nito dahil nagkaroon na ito ng karanasan na may kongresman na gustong pumarte sa pondo ng school building na naaprubahang itayo.
Ayon kay VP Sara, tinanggihan niya ang pagkikbak ng kongresman.
Mungkahi niyang isama sa imbestigasyon ang mga itinayong eskwela noong 2023 at 2024 habang nakaupo pa siya sa Department of Education bilang Kalihim.
Batay sa sariling karanasan, makatutulong tiyak ang Bise Presidente sa pagtukoy sa mga school building project na kinulapulan ng korapsyon o pandarambong.
PBBM HINDI NAKINIG, HINDI UMAKSYON
Binanggit na umano ni Inday Sara kay Pangulong Bongbong Marcos ang kurakutan sa school building projects nang magkasama pa sila sa administrasyon.
Pero pasok sa isang tainga, labas sa kabila ang kanyang sumbong.
At ngayon na lang umaaksyon ang Pangulo habang mabilis na natatapos ang termino nito.
Kung noon pa umano umaksyon si Marcos, natapos na ang lahat.
Maging ang sa flood control programs na ngayo’y garapalan ang korapsyon at pandarambong.
Ang korapsyon sa flood control, hindi lang ngayon kundi bago pa ang mismong mga administrasyon ng kanyang amang si ex-President Digong Duterte.
Anang VP, matatapos ang problema kahit sa isang araw lang na pagkilos sana ng Pangulo.
Kung paano, hindi naman niya idinetalye.
SILID-ARALAN MAGKANO?
Karaniwang may sukat na 7 metro at 9 metro ang sukat ng isang silid-aralan.
Kumpleto ang isang silid-aralan na may kubeta, nakalatag na wiring para sa kuryente at pinturado.
Para sa mga donasyon ng mga pribado at sila ang nagpapagawa, naglalaro sa P800,00-P1 milyon ang badyet.
Pero sa isang binisita ng ating Uzi sa Bulacan, P20 milyon ang isang gusaling may 8 kuwarto (apat sa baba at apat sa itaas), kasama ang mga hagdan at beranda.
Paano naging P20M ang dapat sana’y nasa P8-P10M lang?
May overpricing para sa SOP, for the boys at iba pa?
Itinayo ang gusali ng Department of Public Works and Highways sa loob ng compound ng isang iskul at ipinakontrata ito sa ‘di natin malaman kung kongresman-kontraktor o ordinaryong kontratista.
165,000 KAKULANGAN
Sinasabi mismo ni DepEd Secretary Sonny Angara na may kakulangang 165,000 kakulangang silid-aralan at maraming taon ang gugugulin bago maitayo ang lahat ng ito.
Kung susundin ang presyo ng DPWH o Palasyo o kongresman o senador, hindi imposibleng aabutin ng siyam-siyam ang paggawa ng mga silid-aralan dahil kalahati lang ng pondo ang ibinubuhos para sa lahat ng materyales na kailangan.
Nilalamon ng korapsyon o pandarambong dito ang kalahati.
Kung wala ang pambubulsa ng pondo, mapaiigsi ang panahon ng pagtugon sa kakulangan dito.
‘Yun bang, hindi marami kundi kaunting taon lang ang kailangan.
O dapat agarang imbestigahan na rin ang school building projects.






