Home NATIONWIDE Alcantara, Hernandez, 18 iba pa, sinampahan ng graft and corruption, malversation sa...

Alcantara, Hernandez, 18 iba pa, sinampahan ng graft and corruption, malversation sa Ombudsman – DPWH

318
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ng mga corruption complaints sa Office of the Ombudsman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes laban sa mga tauhan at contractor ng ahensya na umano’y sangkot sa mga anomalya sa flood control project.

Personal na isinampa ni DPWH Secretary Vince Dizon ang kasong graft and corruption, at malversation laban kina Henry Alcantara, Brice Hernandez at 18 iba pang opisyal at empleyado ng Bulacan 1st District Engineering Office.

Nahaharap din sa mga kaso ang mga contractor ng gobyerno na Syms Construction Trading, Wawao Builders, St. Timothy Construction at mga may-ari nito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga ghost at substandard na flood control projects.

Ayon kay Dizon, ang mga kasong ito ay non-bailable at may parusang habambuhay na pagkakakulong.

Sinabi ni Dizon na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pabilisin ang paglilinis sa DPWH matapos masaksihan mismo ang kalagayan ng mga residente sa Bulacan, kung saan siya mismo ang nakatuklas ng mga “ghost” flood control projects.

“Before the President left for Cambodia, the President told me one thing: enough talk, enough process, now is the time to act,” saad ni Dizon.

Sinabi ni Dizon na ang mga kaso ay una pa lamang sa maraming kaso na kanilang isasampa kaugnay sa flood control scandal, na tinawag niyang “massive theft of peoples money.”

“Una pa lang ito sa napakarami, and not just in Bulacan. This has been done on a massive scale nationwide,” dagdag niya.

Halos ilang linggo pa lamang siya nang matalaga sa DPWH, sinabi ni Dizon na “overwhelmed” siya sa laki ng katiwalian na natuklasan niya sa ahensya.

“Malalim ito, top to bottom… This is corruption in a scale not seen, we have not seen in the past. The Napoles scandal is like petty change compared to this,” aniya.

“Hindi magagawa ng district engineer ito na walang katulong sa regional, sa taas, it’s a chain that goes all the way up… Sabi ng Pangulo, we have to make everyone who is responsible for this accountable. They have to face the music,” sinabi ni Dizon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here