NOONG Huwebes, pormal nang nagsampa ng reklamo si Public Works Secretary Vince Dizon sa Ombudsman hinggil sa maanomalyang ‘flood control projects.’ At sa nabasa nating listahan ng mga akusado sa mga ulat ng ‘mainstream media,’ tila pulos mga empleyado lang ng Department of Public Works and Highways at mga kontratista sa Bulacan, partikular sa unang distrito, ang nasampahan ng mga reklamo.
Gusto nating maniwala na “patikim” pa lang ni Sec. Vince ang mga reklamo sa Ombudsman nitong Huwebes dahil alam naman ng lahat na ang mga katiwalian at pandarambong sa pera ng bayan ay nangyari– at marahil nangyayari pa rin– sa BUONG BANSA.
At kung sadyang “seryoso” at “sinsero” ang nasabing kalihim at si Pangulong Bongbong Marcos na sugpuin ang korapsyon sa DPWH, napapanahon na hingin niya ang tulong ng mga tunay na ‘non-government organizations at civil society organizations na matagal nang kinakalampag ang gobyerno sa isyu ng korapsyon.
Isa na sa mga ito ay ang ‘Crime and Corruption Watch, International’ ng ating kaibigan na si Chairman Carlo Batalla.
Sa dami kasi ng mga naidokumentong katiwalian ng CCWI partikular sa mga ‘bidding’ at kontrata sa DPWH, iisa lang ang konklusyon: walang rehiyon sa bansa ang hindi nabiktima ng sabwatan ng mga korap sa DPWH at mga kontraktor.
At hindi lang sa DPWH, Department of National Defense Secretary Gibo Teodoro. Noong Agosto 20 naimbita pala ang CCWI bilang ‘civil society observer’ sa ‘post qualification investigation’ ng Philippine Army para sa mga inorder nitong walong ‘Army truck’.
Ano ang nangyari? Eh, mayroon nang ‘certificate of evaluation performance’ DALAWANG BUWAN bago aktwal na natanggap ang mga sasakyan! Kung wala pang ‘delivery,’ paano ‘na-testing’ at “pumasa” sa requirements ng Army, aber?
Hmmm. Hindi ba napahiya si Gen. Brawner nang sabihin niyang kataksilan sa watawat ang korapsyon sa hanay ng military? aruyy!






