GUMUGULONG na ang hustisya upang tuldukan ang ‘unfair practices’ sa hanay ng mga doctor at ‘mautak’ na pharmaceutical company na minsan na ring naging sentro ng imbestigasyon ng Senado bunsod ng kontrobersyal na multi-level marketing scheme.
Kamakailan, inatasan ng Professional Regulation Commission sina Dr. Viannely Berwyn Formilleza Flores at Dr. Luis Raymond Tinsay Co na magsumite ng kanilang ‘counter-affidavit’ bilang sagot sa isinampang reklamo ng dating Congressman at health advocate na si Erin Tañada.
Binigyan lang ang dalawang doktor ng 10 araw matapos matanggap ang utos para sagutin ang kinakaharap nilang reklamo mula sa dating mambabatas at nakasaad sa kautusan na hindi nila pwedeng isnabin ang utos ng PRC sapagkat may katumbas na parusa sa ilalim ng batas.
Mistulang hustisya na ang aksyon ng PRC sa argument ng dating mambabatas sapagkat mabibigyan na ng linaw at hustisya ang mga pasyente na walang nagawa Kundi tanggapin ang mga reseta ng doktor para sa mga gamot na mabibili o mula sa pinapaborang pharma company.
Kung babalikan ang isyu, sumambulat sa kamalayan ng taumbayan ang mistulang kutsabahan sa MLM scheme matapos gisahin ng mga Senador ang Bell-Kenz Pharma sa isyu na binibigyan nito ng ‘financial incentives’ o ‘perks’ ang mga doktor kapalit nang pagrereseta ng mga produktong gawa ng naturang pharma company.
Kalaunan ay nabaon sa baul ang isyu bunsod nang mas makakaking kontrobersya at kaganapan sa pamahalaan. Ngunit, hindi nagpabaya si Tanada at binuhay ang usapin sa pamamagitan ng pagsumite ng pormal na reklamo sa PRC nitong Hulyo 17.
Bilang may akda ng Universal Health Care bill na kanyang isinulong bilang Kongresista, ang kaligtasan at pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng mamamayang Pilipino ang adhikain ni Tanada papapanagutin ang mga sangkot sa naturang isyu na tinawag niyang ‘unethical scheme’ na naglalagay sa kompromiso ang kalusugan ng pasyente, gayundin ang kasiraan sa professional integrity ng mga medical practitioner at pagkawala ng tiwala ng publiko sa medical system.
Kung ang PRC na siyang ahensya ng pamahalaan na nagbabantay sa gawain ng mga propesyonal ay magiging tahimik at hahayaang mangibabaw ang kutsabahan sa mga ospital sa bansa tulad ng Philippine Heart Center, na kabilang sa tinukoy ni Tañada sa kanyang reklamo, hindi ba’t tahasan na rin nitong sinira ang malinis at tapat na intensyon ng administrasyong Marcos na palakasin ang healthcare system sa bansa?
Muli, nagbabantay ang taumbayan at naghihintay ng sagot at katotohanan sa mga ibinabatong gawain ng Bell-Kenz’ network.






