NOONG nakaraang linggo, labing limang senador ang nasungkit ni Senate President Senator Vicente “Tito” Sotto kaya naman napalitan niyang bilang pinuno ng makapangyarihang Senado si dating Senate President Chiz Escudero.
Kasunod syempre ang balasahan sa liderato sa Senado kaya si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang naupong Senate Pro Tempore kapalit ni Senador Jinggoy Estrada habang ang dating Senate Majority Leader na si Senator Joel Villanueva ay napalitan ni Senator Juan Miguel “Migz “Zubiri at ang bagong Senate Deputy Majority Leaders naman ay sina Senators JV Ejercito at Risa Hontiveros, dating Senate Deputy Minority Leader.
Si Senator Alan Peter Cayetano ang bagong Senate Minority Leader habang sina Senators Rodante Marcoleta at Senator Joel Villanueva naman ang mga bagong Senate Deputy Minority Leaders.
Ang bumubuo naman ng bagong Senate Majority ay sina Senators Bam Aquino, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Camille Villar at Mark Villar.
Sa kabilang banda ang bagong Senate Minority naman ay sina Senators Bato Dela Rosa, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Imee Marcos at Robin Padilla.
May pagbabago rin sa pamumuno ng bawat komite tulad halimbawa ng Blue Ribbon Committee mula kay Marcoleta ay napunta na kay Lacson, ang Health ay napunta kay Hontiveros mula kay Go at marami pang ibang napalitan.
Nitong weekend, sumingaw ang usap-usapan na posibleng magkakaroon na naman umano ng palitan ng pamunuan sa Senado.
Sinasabing makakukuha raw ng sapat na bilang si Cayetano bilang susunod na Senate President at papalitan kaagad nito ang isang linggo pa lamang na nakaupong si SP Sotto.
Mula sa siyam na senador ng minority ay kinakailangan pa ng apat na senador para makabuo ng majority na dapat at mahigit kalahati o dose upang mapalitan ang liderato ni Sotto.
Ilan sa posible o maaaring makuha ay sina Pia, kapatid ni Cayetano, magkapatid na Villar, at posible rin umanong magapang ang magkapatid na Tulfo, Lapid at Gatchalian. Malaki ang posibilidad na makuha ang mga mambabatas na ito sa pakiusapan.
Kapag mangyari ito, goodbye na si Sotto sa trono bilang Senate President. Hmmm! Ngayong papasok na linggo, magiging kaabang-abang ang mga pangyayari. Susunod!






