MALAYO pa ang halalang presidensyal 2028 ngunit ang isang klarong naghahangad na maging Pangulo, si dating House Speaker Martin Romualdez, ay posibleng madiskaril ang pagtakbo.
Ito’y dahil hayagan na siyang nagbitiw kahapon bilang House Speaker na naging panimulang tuntungan niya sa ambisyon sa Palasyo.
Nauna rito, inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi niya sasantuhin o ng Independent Commission for Infrastracture si Romualdez na kanyang pinsan kung lalabas na may kinalaman ito sa napakalaki at napakalawak na anomalya sa flood control projects
Ang pahayag ni Pang. Bongbong ang pangunahing idinahilan ni Romualdez sa pagsasabing ayaw niyang maging pabigat sa pamahalaang Marcos, ganoon na rin mismo sa Kamara, sabay-sabing dapat ipagpatuloy ng mga kongresman ang tungkulin nilang paglilingkod sa taumbayan.
Nauna rito, nilusob din ng mga ex-general na sundalo at pulis mismo sa Kamara si Romualdez at hiniling siyang magbitiw na bilang Speaker sa paglustay umano nito ng multi-bilyong pondong bayan para sa kanyang ambisyong maging Pangulo.
Ayon kay Senador Ping Lacson, umabot sa P1 trilyon ang halagang para sa flood control projects sa nakalipas na tatlong taon ng administrasyong Marcos na pinakialaman, pangunahin ng mga kongresman.
Mismong si Pang. Marcos ang nag-anunsyo naman na sa distrito ni Romualdez sa Leyte, may mga flood control project na inilagay sa mga lugar na hindi kailangan ng nasabing mga proyekto.
May mga kakampi rin si Romualdez na kongresman na may multibilyong pisong flood control projects gaya ni Zaldy Co na nakaipon ng P13 bilyon para lang sa 2025.
Sa kabuuan, laglag na si Romualdez bilang contender sa pagka-Pangulo sa 2028, maliban lang kung may milagrong kakaiba na siya pa rin ang mamamayani.
Alalahanin na sa kanyang pahayag, hindi umako ng anomang pananagutan si Romualdez.
At kung madadawit at makakaksuhan man siya sa korapsyon o/at pandarambong, lalagpas sa 2028 bago ito madeklarang guilty nang pinal ng Supreme Court.






