Home OPINION MALAKAS, MATATAG NA OMBUDSMAN, KAILANGAN

MALAKAS, MATATAG NA OMBUDSMAN, KAILANGAN

293
0

TATLONG “magkakasabay” na imbestigasyon na ngayon ang nangyayari hinggil sa bilyones na ‘flood control projects scandal.’

Una na rito ang imbestigasyon ng Senado, ng Kongreso at ang pagsisimula ng imbestigasyon ng ‘Independent Commission on Infrastructure’ ni Pang. Marcos Dayunyor.

Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin “humuhupa” ang galit ng taumbayan dahil sa totoo lang, “tamang hinala” sila sa isinasagawang mga pagdinig.

Sa Senado at Kongreso kasi, habang tumatagal, nakikitang nauuwi ito sa pulitika kung saan pinagtatakpan ang ‘principal suspects’ sa hanay ng mga mambabatas at tila pinipilit na ibunton na naman ang korapsyon sa kampo ng mga Duterte.

Eh, “magtitiwala” ba ang taumbayan kay Senate President Tito Sotto na mistulang “ipinagyayabang” pa na “magkumpare” sila ni House Speaker Martin Romualdez?

Sa Kongreso naman, ikinasa ang pagdisilipna kay Cavite Rep. Kiko Barzaga matapos ibulalas na dapat unahing imbestigahan si Speaker sa anomalya ng flood control.

Samantala, mistulang ‘junk food’ ang ICI dahil “malusog” lang sa propaganda pero wala namang “sustansiya” dahil wala man lang kapangyarihan na ‘mag-subpoena’ ng mga dokumento o magpakulong sa mga suspek.

Sa ganitong mga katotohanan, paano kakalma ang “bulkan” sa galit nating mga kababayan, aber?

Sa dakong huli rin, isa lang naman ang tanggapan na may mandato na mag-imbestiga at magpataw ng parusa sa lahat ng sangkot—ang ‘Office of the Ombudsman.’

Lahat kasi ng resulta ng mga imbestigasyon, Ombudsman pa rin ang tatanggap at hihimay sa mga bintang at reklamo.

Kaya nga simple lang ang solusyon: Ngayong bakante ang Ombudsman dahil sa pagreretiro ni OMB Samuel Martires noon pang Hulyo, ang kailangan ngayon ay isang Ombudsman na may tapang at prinsipyo na gawin ang nararapat upang maibalik ang integridad sa ating pamahalaan—ang kandidato sa posisyon na si Justice Secretary Boying Remulla.

Naniniwala kasi tayong bilang ‘last hurrah’ sa kanyang pagiging opisyal ng gobyerno, gagawin ni “Bossman” ang wasto at nararapat para sa katarungan, kaayusan, at para sa interes ng mamamayan. Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here