PERA lang ba talaga ang nawawala kapag may isyu ng korapsyon? Ang totoo mas malalim ang ibinubungang sugat nito sa buhay ng manggagawa, kaligtasan ng publiko at ekonomiya ng bansa.
Dahil sa kickback na 20–40% ng contract cost, unang tinitipid ang kalidad ng materyales at kaligtasan ng tao.
Pansamantalang ipinasara kamakailan ni Gov. Sol Aragones ng Laguna ang isang P68M na school building sa pangambang maaari itong gumuho anomang oras dahil sa substandard na pagkakagawa. Mantakin mo ba namang nagsu-swing ang gusali kahit hindi naman lumilindol. Aba, napakadelikado nito para sa mga mag-aaral at empleyado ng eskwelahan. Sa nakalap nating impormasyon, 2011 pa sinimulang gawin ang gusali at natapos sa ilalim ng panunungkulan ng dating Gobernador Ramil Hernandez. Hindi maiaalis ang pagdududang may nangyaring anomalya sa proyektong ito.
Dagdag pa nating halimbawa ang nangyari noong taong 2023 kung saan dalawang trabahador ang natagpuang patay sa septic tank ng isang mall sa Sta. Rosa City, Laguna. Sa sumunod na taon, isang 51 anyos na construction worker naman ang nagbuwis ng buhay sa isa pa uling septic tank sa Mandaue City, Cebu.
Bakit may casualty? Pwedeng unsafe act o unsafe condition. Kabilang din sa mga maaaring dahilan ang pag-ignore sa polisiya, pagtitipid, pagmamadali o sabwatan sa pagitan ng empleyado ng kliyente at contractor.
Nakatitiyak tayong may aksidente din sa iba pang proyekto ng gobyerno tulad ng flood control project na hindi na natin nababalitaan. Pero isa lang ang masisiguro ko sa inyo, zero accident tayo sa “ghost projects”, he-he-he. (Naman! Pero sa ghost project, hindi ligtas ang salapi ng bayan. – Ed)
Panahon na para tindigan at patatagin ng Department of Public Works and Highways ang kampanya laban sa korapsyon pati na rin ang implementasyon ng safety and health policy sa bawat proyekto.
Mas mainam kung ang lahat ng ahensya ng gobyerno ay maging committed sa ating panawagan kabilang ang mga humahawak ng concessionaires sa tubig, kuryente, digital communication at iba pang serbisyo publiko.






