IPINAKITA na ng sambayan, karamihan ay ng mga kabataang mag-aaral ang kanilang ngitngit laban sa gobyernong Bongbong Marcos, Jr. dahil sa garapal na kurakutang nadiskubre sa mga flood control project.
Mula sa Luneta sa Maynila, ang mga nagprotesta ay nagtungo sa Mendiola para patalsikin ang punong kurakot na nasa Palasyo, walang iba kundi si Macoy, Jr.
May mga protesta rin sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at sa Mindanao. Galit na galit na talaga ang taumbayan.
Pero si Bongbong ay patuloy lang sa pagkikibit-balikat. Patuloy lang sa “paghuhugas-kamay” at sa paglilinis-linisan.
Ang matindi, tinatangka ng kanyang mga PR man na siya ay pagmukhaing kasama rin sa mga galit sa kurakot.
Pinalalabas na bayani dahil siya raw ang unang nagbulgar o nagkalakas ng loob na ibulgar ang mga katiwalian.
Pero hindi nila maloloko ang taumbayan dahil kahit anong gawin, sa kanya bumabalik ang mga sisi at ebidensiya bilang “punong kurakot” o utak ng mga kabalbalang ito.
Mukhang hindi na mapipigil ang galit ng mga tao na naghahangad na bumaba na siya sa puwesto, kasama ang iba pang korap sa gobyerno, gayundin ang mga politikong nagkamal ng pera ng bayan.
Huwag naman sanang matulad ang minamahal nating bayan, tulad ng nangyari sa Indonesia at Nepal na sinunog ang mga ari-arian at mansyon ng mga kawatang opisyal ng kanilang gobyerno.
Makonsensya at bumaba na lang sana sa pwesto ang mga buwayang nasa pamahalaan.






