MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na 17,451 pampublikong paaralan sa siyam na rehiyon ang nagsuspinde ng face-to-face classes dahil sa Super Typhoon Nando, na nakaapekto sa higit 10.1 milyong estudyante at 426,000 personnel.
Lumipat sa alternative delivery modes ang mga paaralan upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral. Samantala, 32 paaralan ang ginagamit ngayon bilang evacuation centers sa apat na rehiyon.
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na disaster offices para sa preemptive evacuation at patuloy na pagmomonitor. Inatasan din ang mga paaralan na siguruhing ligtas ang kagamitan, i-activate ang contingency plans, at ihanda ang emergency supplies.
Alas-8 ng gabi, sinabi ng PAGASA na apat na lugar sa Luzon ang nasa ilalim ng Signal No. 4. Taglay ni Nando ang hanging 215 km/h at bugso na 265 km/h habang kumikilos pa-kanluran. RNT