NOONG isagawa ang mga rally laban sa korapsyon at pandarambong nitong nakaraang Linggo na nagsimula sa kritismo ni Pangulong Bongbong Marcos sa flood control project sa kanyang State of the Nation Address at sinundan ng mga pagbubunyag ng mga anomalya sa Kongreso, lalo na sa Senado, malinaw na malinaw na nanawagan ang mga organizer ng mga rally sa taumbayan na sumali.
At ang panawagang iyon ay nakatuon, para sa iba, ng pag-uulit pangunahin ng 1986 People Power Revoluion o kaya ng nangyari sa Nepal at Indonesia na nagbunga ng mga agarang pagbabago.
Pumalpak ang mga panawagang iyon dahil pangunahing mga miyembro ng mga organisasyon lamang ang sumali at kung may sumali mang iba na kusa, hindi gaanong marami.
Kaya naman, ilang libo lang ang naipong pwersa sa Luneta, gayundin sa Edsa Shrine at Edsa Monument.
At dahil hindi gaanong dinumog ang panawagang pag-aalsa na maihahalintulad sana sa 1986 Edsa revolt, umuwi na lang ang mga nag-rally at nag-iwan lang ng masasabing mensahe laban sa korapsyon at pandarambong.
May nagtangka ring tularan ang mga naganap sa Nepal at Indonesia ngunit saglit lang ding naapula ng mga pulis at hindi rin kinagat ng taumbayan sa pangkalahatan.
Ganito rin sa mga rally sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.
WATAK-WATAK KAYA ‘DI NAGTAGUMPAY
Sa una pa lang, hindi talaga magtatagumpay ang panawagan para sa malawakan at matagalang digmaang kalsada laban sa korapsyon at pandaramong dahil watak-watak ang mga pagkilos at palatandaan dito ang pagdaraos ng mga rally sa magkakaibang lugar at walang pakikiisa ang isang grupo sa ibang mga grupo.
Naging watak-watak din ang mga layunin ng magkakaibang grupo gaya ng lumutang na hanggang pagpapatalsik kay Marcos at mga alipores lamang nito o hanggang kina Marcos, Duterte, Aquino at Macapagal o hanggang sa mga isyu ng korapsyon at pandarambong lamang.
May naglagareng hapon o nagbalimbing o oportunista rin sa pagdalo sa Luneta at sa Edsa dala-dala ang mga pansariling interes nila.
Isa pa, habang kumakapit ang isang grupo sa vox populi, vox dei o boses ng Diyos ang boses ng taumbayan, walang kinikilalang boses ng Diyos kundi boses lang ng taumbayan ang kinikilala ng iba.
Nadala o nagdududa na rin ang marami sa muling pagkakaroon ng 1986 People Power dahil mabilis na pinalitan ang malupit, korap at mapang-abusong martial law government na tinumba ng People Power ng mga korap, mandarambong at mapang-abuso ring pumalit at rumenda sa gobyerno makaraan.
‘Yun bang === naging malinaw ang pagsusulong ng kanya-kanyang pansariling interes at ginamit lang ang taumbayan para makamit nila ang kanilang mga pansariling interes.
Sa 1986 People Power, naging matagumpay ang panawagan para sa pagsali ng taumbayan, kasama ang mga militar at pulisya, dahil kumilos sila sa iisang lugar at iisang layunin at kung may mga pansariling interes man na nahalo, hindi kasing linaw ng mga pansariling interes na nakita sa mga rally nitong Linggo.
MGA SUSUNOD NA RALLY
Tiyak na may mga susunod pang rally, pero hanggang saan at kanino rin kaya hahantong ang mga ito?






