Home OPINION PAGGAMIT AT PAG-UBOS NG SPECIAL FUNDS LABAG SA KONSTITUSYON – CIVIL SOCIETY...

PAGGAMIT AT PAG-UBOS NG SPECIAL FUNDS LABAG SA KONSTITUSYON – CIVIL SOCIETY GROUP

245
0

NAGHIHINTAY pa rin ang iba’t ibang grupo mula sa civil society ng pinal na resolusyon ng Supreme Court (SC) kaugnay ng diumano’y iligal na paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insu­rance Corporation (PHILHEALTH) patungo sa kaban ng bayan noong 2024.

Ayon sa mga petitioners na pinangungunahan nina dating Senador Aquilino “Nene” Pimentel III, dating finance undersecretary Cielo Magno, at health reform advocate na si Dra. Minguita Padilla, hindi sapat ang direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na ibalik ang Php 60 billion sa PHILHEALTH mula sa savings sa mga hindi na ipapatupad na flood control projects.

“Ang pagbabalik ng pondo ay hindi nangangahulugang nawawala na ang isyu ng pagiging iligal at labag sa Konstitusyon ng paglilipat na ito,” giit ng mga petitioners. “Mahalaga ang magiging desis­yon ng SC upang hindi na maulit ng pamahalaan ang ganitong uri ng hakbang na nagbabawas sa pondo ng PHILHEALTH na para sana sa mga miyembro at ma­mamayang Filipino.”

Giit ng mga petitioners, ang mga pondong inilipat ay hindi “excess funds” at dapat ibalik sa PHILHEALTH. Batay sa ulat ng Department of Finance, ang inilipat na pondo ay ginamit para sa health emergency allowance ng mga health worker noong CO­VID-19 pandemic, pagpapaunlad ng mga health facilities, medikal na tulong, at counterpart finan­cing para sa mga proyektong pinondohan ng mga banyagang institusyon.

Subalit, ayon sa petitioners, labas ito sa mandato ng PHILHEALTH at taliwas sa Universal Health Care Law na malinaw na nag-uutos na palakihin ang benepisyo at bawasan ang kontribusyon ng mga miyembro.

Mariin ding binatikos ng mga grupo ang Marcos administration dahil sa diumano’y “labag sa Konstitusyon na paggamit at pag-ubos ng special funds” na itinatag ng Sin Tax Reform Law at UHC Law.

Kasama sa kanilang mga kinukuwestiyon sa SC ang:

* Ang paglilipat ng PHILHEALTH funds noong 2024,

* Ang pagbura sa PHILHEALTH budget para sa 2025, at

* Ang kakulangan sa ipinagkakaloob na mandated shares ng sin taxes, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at Philippine Charity Sweepsta­kes Office mula pa noong 2023 hanggang sa panukalang 2026 budget.

Kabilang din sa mga petitioners ang Philippine Medical Association, Sentro ng mga Nag­kakaisa at Progresibong Mang­gagawa (SENTRO), at Public Services Labor Independent Confederation Foundation, Inc.

Naniniwala ang mga petitioners na ang desisyon ng SC ay magiging precedent-setting case na magtatakda kung hanggang saan ang kapangyari­han ng ehekutibo na maglipat ng pondo mula sa special funds tu­ngo sa general appropriations.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here