ILOCOS SUR, Philippines – Nasa ospital ngayon ang dalawang 64-anyos na lola na magkaangkas sa isang motorsiklo matapos na mabangga ng aluminum van ang kanilang sasakyan sa Brgy. Caburao, Santiago ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Ayon sa Santiago MPS, ang dalawang matanda ay parehong residente ng naturang bayan samantalang ang 24-anyos na lalaki na driver ng Isuzu aluminum van ay tubong Cam Norte, nakatira ngayon sa Bantay, Ilocos Sur.
Nabatid na ang Yamaha motorcycle na sinasakyan ng dalawa ay bumibiyahe papuntang kanlurang direksyon sa national highway sa naturang lugar.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa may interseksyon na bahagi ng kalsada, habang ang motorsiklo ay lumiliko papuntang timog ay bigla itong nabangga ng rumaragasang aluminum van at kinaladkad ito ng humigit-kumulang sa limang metro.
Ang dalawang lola ay parehong sugatan samantalang hindi naman nasaktan ang driver ng aluminum van. Rolando S. Gamoso