Home OPINION PARTYLIST NA GAMIT NG KAWATAN BURAHIN

PARTYLIST NA GAMIT NG KAWATAN BURAHIN

259
0

LUMILITAW sa imbestigasyon ng Blue Ribbon committee ng Senado na may mga partylist na gamit-gamit sa Kamara sa pagnanakaw, hindi lang ng milyon-milyon kundi bilyon-bilyong pondo ng gobyerno.

Bagama’t kinakailangan ang desisyon ng korte para mapatunayang gamit ang isang partylist para magnakaw ng pondong bayan, hindi ba ito pupwedeng gawing isang dahilan para sa kanselasyon ng rehistro nito?

Kung magagawang dahilan ang kawalan ng publikasyon at kawalan ng pagdinig para sa akreditasyon para matanggal ang rehistro ng partylist, hindi kaya higit na maging dahilan ang paggamit ng partylist sa pagnanakaw ng kabang bayan?

Sa Blue Ribbon Committee, klaro ang pagdadala ng male-maletang salapi na bilyon-bilyong piso ang laman sa mga kinatawan ng partylist mula sa mga ghost at substandard project sa flood control at tinatawag ang mga salapi na basura.

Dito tiyak ding binubuhay ang partylist ng mga nakaw na pondo.

Hindi ba ito isang dahilan para ibasura ang rehistro ng partylist na nauugnay rito?

Manong George Garcia, chairman ng Commission on Elections, pupwede bang ipanukala ninyo sa Kongreso na gawing “ground for cancellation of registration” ang paggamit ng partylist sa korapsyon at pandarambong…kung hindi pa ito kasama sa mga umiiral na batas?

Klaro ngayong pambubuwaya sa taumbayan ang mga pagnanakaw ng mga partylist representative sa pamamagitan ng pagtatayo ng partylist.

Binubuwaya ang taumbayan dahil bayad nang bayad sila ng buwis ngunit ibinubulsa lang ng mga kinatawan at ikinabubuhay lang ng mga partylist ang nasabing mga nakaw na buwis.

Ang pinakamasama, nalulugmok na ang taumbayan sa kahirapan sanhi ng mga pagnanakaw sa pamahalaan, namamatay at napipinsala pa sila sa kagaya ng mga ghost at substandard na proyektong pang-imprastraktura.

Isang panawagan na rin ito, lalo na sa Senado o sinomang kinauukulan, para ikonsidera ang paglusaw ng mga partylist na gamit sa korapsyon o pandarambong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here