Home OPINION WANTED: ZALDY CO

WANTED: ZALDY CO

406
0

MARAMING saksi na ang nagtuturo kay Rep. Zaldy Co bilang pangunahing player sa mga insertion ng badyet at anomalya sa flood control projects. Siya ang sinasabing “pinakamaraming alam” na kabulastugan basta sa “usaping pagkakaperahan” sa Kongreso.

Nagbitiw kamakailan si Co bilang mambabatas para mailigtas niya ang sarili sa mga pananagutan sa Kamara.

Ang pagbibitiw ay tugon ni Co sa utos ni Speaker Faustino Dy III na bumalik siya sa Pilipinas pagsapit ng Setyembre 29. Ngunit ang deadline ay lumipas at hindi pa rin lumalabas si Co.

Dahil nagbitiw na si Co, hindi na siya mapupwersang humarap sa ethics committee at sa posibleng pagpapatalsik ng Kamara. Nagresign man, hindi maliligtasan ni Co ang mga pananagutan kung siya ay may kasalanan.

Naglabas na ang Independent Commission for Infrastructure o ICI ng unang ulat sa flood control mess at nagrekomenda sa Office of the Ombudsman na magsampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay Co, 12 opisyal at tauhan ng Department of Public Works and Highways, kasama ang limang opisyal ng Sunwest Inc., ang construction firm ni Co.

Tungkol ito sa flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro kung saan nakopo ng Sunwest Inc. ang P289.5 million. Kabilang sa mga natuklasan ng ICI ay ang “grossly substandard” na mga materyales sa pagtatayo ng road dike sa tabi ng Mag-asawang Tubig River sa Naujan.

Inirekomenda ng ICI ang mga kasong graft, malversation, falsification of public documents at mga paglabag sa procurement law laban kay Co at sa iba pa, bukod sa mga kasong administratibo.

Kung nais ni Co ng parehas na laban o due process, dapat ay umuwi na siya sa bansa at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya. Sa ngayon ay walang nakaaalam kung nasaan na talaga siya.

Maraming kinakailangang sagutin si Co, partikular sa kung ano ang mga nangyari sa mga deliberasyon ng Kamara sa 2024 at 2025 General Appropriations Act, noong siya ang namumuno sa appropriations committee.

Dapat niyang “ikanta” kung sino-sino pa ang malalaking tao na kasabwat niya sa pagkakamal ng malaking pondo ng bayan dahil tiyak na hindi lang naman siya nag-iisa sa nasabing kabulastugan.

Dito natin ngayong malalaman ang tunay na galing ng Department of Justice para maibalik sa bansa si Co. Ikansela agad ang kanyang pasaporte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here