HINDI lang sa Department of Public Works and Highways naging bida ang mga sikat nitong kontratista na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang unti-unting lumilitaw nitong mga nakalipas na mga araw mula nang mabulgar sa publiko ang pandarambong na ginawa ng mga kontratista sa kaban ng bayan kung saan kasabwat daw ang mga politiko at mga opisyal ng gobyerno.
Malinaw rin na unti-unti nang nagsusunugan sa isa’t-isa ang mga demonyong mandarambong kaya naglalabasan ang iba pang mga hinihinalang maanomalyang proyekto sa ibang ahensya ng gobyerno.
Matatandaang gumawa ng ingay ang mayor patungkol sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH hanggang sa maluklok ito sa itinatag ng Pangulo na Independent Commission for Infrastructures.
Tssk tsssk tsk… hindi pa man nag-iinit sa upuan ay biglang nagbitiw sa ICI dahil sa kwek kwek na dahilan patungkol sa kanyang pagiging mayor na ipinagbabawal o kwestyonable raw sa polisiya o regulasyon ng gobyerno.
Subalit sa kanyang pagbibitiw sa ICI ay bitbit nito pauwi ang napaulat na mayroon ding proyekto sa kanyang kaharian ang sikat na kontratistang mandarambong na tiyak na sasalang sa imbestigasyon ng ICI.
Pero bago pa man ang isyu na iyan ay nauna nang lumabas ang balita na mismong Malakanyang ay nakapagbigay ng proyekto sa kontratistang mandarambong na ito na agad natakpan at tila nalimutan na ng taumbayan.
Isang senador din ang nabuking kamakailan na pinuntahan mismo ng isa sa sikat na kontratista ng DPWH para sa proyekto ng pagpapaayos ng kanyang opisina kaya agad naman kinansela ang kontrata.
Hindi sapat ang paliwanag o pagkansela sa proyekto dahil sila ang tinatawag na ‘Head of Procuring Entity’ o kaya naman ay ‘end user’. Kung hindi nila alam, dapat may gumulong na ulo riyan sa tanggapang kausap ng kontratista.
Sa mga susunod na mga araw ay tiyak na sa banda riyan ay madaragdagan pa ang mga ahensya ng gobyerno kung saan naroon din ang mga sikat na kontratista ng DPWH. Ang mag-ingay laban sa kanila ay isasangkot nila dahil damay-damay na ito ika nga sa kulturang Pinoy.
Para sa komento o suhestiyon: [email protected]






