Home OPINION CALAMITY FUNDS NG MGA LGU DAGDAGAN

CALAMITY FUNDS NG MGA LGU DAGDAGAN

258
0

TUWING may mga kalamidad, kasama ang bunga ng mga bagyo, baha at landslide, kitang-kita ang pagkaubos ng mga calamity fund ng mga local government unit nang wala sa panahon.

Ito’y dahil sa maliit na halaga nito sa harap ng higit na malaking halaga ng pinsala na dumarating tuwing may kalamidad.

Maliit na nga ang halaga, tinitipid pa ang paggamit nito dahil hindi lang naman minsan lang dumarating ang mga kalamidad sa isang taon.

Ang bagyo nga lang na sanhi ng mga kalamidad, nasa 20 kada taon na laging pinaghahandaan at pinagkakagastusan ng mga LGU.

Hindi pa kasama riyan ang mga mapaminsalang lindol, pagputok ng bulkan, pagbakwit ng mga mamamayan sa mga war zone, red tide, peste o pagkalat ng mga sakit ng tao at hayop at halaman, sunog at iba pa.

Kaya naman kitang-kita ang liit ng mga calamity fund laban sa mga kalamidad na dumadapo sa mga LGU.

MAHIHIRAP NA LGU

Ang mahihirap na LGU, lalo na ang mga Class E at D ang pinakabiktima ng maliliit na pondong pangkalamidad sa pagharap sa mga kalamidad.

Sa mga lalawigan, ang E at D, karaniwang binubuo ng mga barangay na mahihirap na magsasaka at mangingisda ang mga mamamayan nila o sa mga kalunsuran, mga iskwater kung tawagin.

Dahil sa klasipikasyon ng higit na nakararaming barangay, nadadamay na rin ang mga munisipyo na nakasasakop sa mga ito bilang Class E at D at nadadamay na rin ang Class C.

Kasama na siyempre sa usaping kalamidad ang 30% Quick Response Fund ng kabuuang calamity fund na agarang gamit laban sa mga sakuna nang hindi kailangan ang deklarasyon ng state of calamity.

Ito ang unang nauubos at kasunod na rito ang mga nakatakdang calamity fund na ginagamit nang buwan-buwan o kada tatlong buwan.

Saka lang pumapapel ang mga munisipyo o kaya’y lalawigan kung hindi na makayanan ng mga barangay o munisipyo na balikatin ang mga sakuna.

Ang mga pambansang ahensya o pamahalaan, karaniwan namang hinihintay o tinitiyak na maubos muna ang mga calamity fund ng mga LGU bago sila kumilos, bagama’t sa maraming pagkakataon din, sumasabay sila sa mga LGU na kumupkop sa mga biktima ng kalamidad kung kailangang-kailangan na.

Nagaganap ang pakikipagsabayan sa mga LGU ng mga pambansang ahensya o pamahalaan sa mga malawakan at matitinding pangyayari gaya ng pagdating ng mga superbagyo na talaga namang mapaminsala sa lahat, mahirap man o mayaman.

SOBRA-SOBRA

Kung mapapansin ninyo, mga Bro, malimit na sobra-sobra ang mga pondong pangkalamidad sa opisina ng Pangulo ng Pilipinas makalipas ng isang taon dahil bilyon-bilyon ang halaga nito kumpara sa libo-libo o milyon lang sa mahihirap na barangay o sa munisipyo.

Palatandaan din ng kakulangan ng pambansang ahensya o pamahalaan ng buong pagtugon sa mga kalamidad ang mga sobra-sobrang bigas na ibinebenta ngayon bago malaon at tuluyang masira sa kalaunan.

Panahon nang doblehin o triplehin o higit pa ang ilaan na calamity funds para sa mahihirap na LGU habang inihahanda ang pambansang badyet para sa taong 2026.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here