NAKIPAGPULONG kamakailan kay National Bureau of Investigation director Retired Judge Jaime Santiago, si Undersecretary. Atty. Renato ‘Aboy’ Paraiso, ang bagong “bosing” ng Cybercrime Investigation Coordinating Center, isang kritikal na ahensya ng Department of Information and Communications Technology.
Sa kanyang social media post, ibinida pa ni Usec. Aboy na kaya siya “nagmano” kay Director Santiago ay upang palakasin ang ugnayan ng CICC at NBI sa paglaban sa cybercrime.
Ngunit ang tanong ng mga miron na bistado ang “galawan” ni Paraiso, hindi kaya “binobola” lang niya si Judge? Pwede ring ‘nagsu-surveillance na siya kung sino ang pwede niyang “mapirata” sa NBI, partikular sa Cybercrime Division?
Hindi kasi lingid sa bakuran ng DICT ang “ambisyon” ni Paraiso na “dapat may sariling investigative/police power” ang kanyang opisina.
Oh yes, Judge Santiago, ang “plano” talaga ni Paraiso ay “madukwang” ang kapangyarihan ng NBI Cybercrime Division. Sa ngayon kasi, kailangan pang ‘mag-coordinate’ ng CICC sa NBI at PNP Cybercrime Group para makapaglunsad ng mga operasyon.
Bulong ng ating sources, malaki itong “abala” at ‘demeaning’ para kay Paraiso na “makiusap” sa NBI at PNP bilang ‘appointee’ ng Palasyo. May ganern?! At kung matagumpay ang isang operasyon, ayaw (raw) ni Paraiso na may “kahati” sa kredito, aww!
Eh, ano kaya ang pakiramdam ni Judge na maayos niyang hinarap ang kanyang bisita pero sa pagtalikod pala, masama ang binabalak na “ilaglag” ang NBI kapag “papogi” na sa media ang kasunod na eksena? Asinta pang “bawasan” ang kapangyarihan niya.
Ano rin kaya ang masasabi ni DICT Secretary Henry Aguda? Posible kasing “ginagapang” na ng kanyang Usec ang mandato ng DICT para mangyari ang kapritso nito pero wala siyang kaalam-alam?
At bakit pala nakabukod ang FB page ng CICC sa FB page ng DICT? Okay lang ba kay Aguda na “nakabukod” pa ang mga pabida sa Socmed nitong dapat ay tauhan niya?
Bukas ang pitak na ito para sa paliwanag mo, Usec. Paraiso.






