Home OPINION UNAWAIN AT TULUNGAN MGA DUMARANAS NG DEPRESYON

UNAWAIN AT TULUNGAN MGA DUMARANAS NG DEPRESYON

417
0

SA kasalukuyang digital age, tumataas ang bilang ng mga kabataan at manggagawang Pilipino na nakararanas ng depresyon. Isa itong seryosong usapin at hindi lang apektado ang paaralan o tahanan—pati sa mga opisina, pabrika, at online workplaces ay dumarami ang nakararanas ng bigat ng isip at damdamin.

Sa mga kabataan, ang depresyon ay madalas na nag-uugat sa matinding pressure sa pag-aaral, impluwensya ng social media, at personal na mga relasyon. Sa isang banda, ang mga empleyado naman ay humaharap sa stress mula sa araw-araw na trabaho dulot ng problema sa sahod, mahabang oras na duty, isyu sa mga kasamahan at pagkatuliro lalo na kung nagkasabay-sabay ang problema sa pamilya habang hinahabol ang due date ng bills at mga deadline sa opisina.

Upang maiwasan ang depresyon at mga hindi kanais-nais na epekto gaya ng paglayo sa sarili, pagka-burnout, at maging ang kritikal na kaisipang wakasan ang buhay (huwag na huwag itong gagawin, ha!?)– mahalagang magkaroon ng mga programa na magbibigay daan para sa malinaw na komunikasyon at emosyonal na suporta.

Sa mga kabataan, dapat palakasin ng mga paaralan ang mental health programs at counseling services. Sa mga lugar ng trabaho, mainam na magpatupad ng employee wellness programs, mental health seminars, at bukas na linya sa HR o management para sa mga nangangailangan ng tulong. Maaaring gabay rito ang implementing rules and regulations ng health at labor department sa pagpapatupad ng umiiral na Mental Health Law.

Mahalaga ring alagaan ang sarili, panatilihin ang disiplina, sapat na pahinga, ehersisyo, tamang pagkain, at pakikisalamuha sa mga taong nagbibigay ng positibong enerhiya. Malaking tulong ito upang malabanan ang “procrastination” o pagpapabaya na isa sa mga nagpapalala at nagdadagdag ng mga pasanin. Makatutulong din ang simpleng pangungumusta o pakikinig sa kasamahang nangangailangan ng emotional support. Maaari kasing maging tulay ito upang magdulot ng karuwagan at magkaroon ng malinaw na kaisipan at pag-asa. Magsisilbi rin itong daan upang mabigyan sila ng angkop na propesyonal na atensiyon.

Walang mukha ang depresyon, kailangan lang mapagtanto ng mga taong nakararanas nito na hindi sila nag-iisa at maipadama sa kanila ang pagmamalasakit at taos-pusong suporta.

Sa huli, ang depresyon ay hindi isang kahinaan. Isa itong panawagan para sa angkop na komunikasyon, pagkalinga, pag-unawa, pagmamalasakitan at pagkakaisa.

∞∞∞

Happy 73rd Founding Anniversary sa ating mga kasamahang opisyales, staff at miyembro ng National Press Club. Hatid natin ang pagbati sa awardees at pasasalamat sa lahat ng mga dumalo sa selebrasyong idinaos nito lamang Miyerkoles.

MABUHAY ANG RESPONSABLE AT MALAYANG PAMAMAHAYAG.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here