MARAMI na ang nakapapansin sa ginagawang pagputak ni Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon, hinggil sa isyu ng ‘Dolomite Beach,’ isa mga proyektong bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay na matagal nang ipinag-utos ng Korte Suprema– 2008 ‘continuing mandamus ruling’– na tanging administrasyon lang ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang nakaisip na sumunod.
Noong hindi pa sikat na “aktibista” itong si Ridon at mga katulad niya, ang National Press Club sa ilalim ng tatlong presidente– Benny Antiporda, Joel Egco at ako– ang nagbibigay sa kanya ng “plataporma” para lang maupakan ang gobyerno.
Dati rin kasing opisyal at naging kongresista ng Kabataan Partylist si Ridon, ang grupo na pinanggalingan ng mga kabataan na napatay sa mga engkuwentro bilang mga Communist Party of the Philippines – New People’s Army.
Sa kanyang bagong mukha bilang trapo, ibinibintang ni Ridon na may “korapsyon” din sa Dolomite Beach, dahilan din daw ng pagbaha sa Maynila at kung sadyang kailangan daw ba ito?
‘Diversionary tactic’ kaya ito para muling “ilihis” ang pansin ng publiko? Mula sa bilyones na ‘flood control scam’ papunta ulit sa mga Duterte?
Sa ganang atin, ang muling “madidiin” dito ay ang DPWH na siyang ‘implementing agency’ ng proyekto at mga kongresista sa Maynila na kakampi ng administrasyon na sinisisi naman ni Yorme Isko Moreno sa kanilang mga palpak na flood control projects at pumping stations kaya laging baha sa Maynila.
Naisip kaya ni Ridon at ng kanyang ‘PO’ na “babalandra” pabalik sa administrasyon ang kanilang hirit na imbestigasyon sa Dolomite Beach? Baka naman ito talaga ang ‘secret agenda?’
At kailangan ba talaga ang proyekto? Mainam na ipatawag ni Ridon ang mga mahistrado ng Korte Suprema dahil ito ang nag-utos sa gobyerno.
Ang tanong: Dahil ‘continuing mandamus’ ang utos ng SC, ano ang ginagawa ni Pangulong Bongbong Marcos para sumunod dito? Ang “bantot” na kasi ulit ng Manila Bay!






