Home OPINION 3 PATAY KAY TINO, MAY LPA PA

3 PATAY KAY TINO, MAY LPA PA

440
0

BUONG bansa umuulan ngayon at magiging tuloy-tuloy ito dahil sa bagong low pressure area sa labas pa lang ng Pinas, ayon sa PAGASA.

Isang pag-ulan ang nilikha ni bagyong Tino, isa ang sa amihan at isa ang sa shearline o salubungan ng init at lamig sa silangan ng bansa.

Itong malakas na pag-ulan, kakambal ni Tino na may lakas o bilis na hangin mula sa 150 kilometro hanggang sa 205 kilometro kada oras.

Sinakop ng bagyo ang malaking bahagi ng Mindanao hanggang sa Kabikulan at Mindoro, Masbate, Romblon at Palawan.

Itong Samar, Leyte, Cebu, Negros Island at Masbate ang dinaanan ng mata ni Tino hanggang sa lalabas ito sa Palawan.

Pahina nang pahina ang naging signal o lakas ng hangin nito habang papalayo mula sa mata ng bagyo na na muntik naging super bagyo.

Ito namang amihan, pinaulanan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.

Ang shearline? Dinadale ang Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Isabela at Aurora.

3 NASAWI, BUNGALLOW LUMUBOG, TRANSMISSION LINES NASIRA

Habang tinitipa ito, may naiulat nang nasawi sa bagyo.

Hangga’t maaari, mga Bro, zero casualty o walang mamamatay, missing o sugatan ang ipinagdarasal ng lahat…na siyang nararapat.

Ngunit dahil inabot at lumubog sa baha ang mga bungalow katulad sa ilang bahagi ng Talisay City, Cebu at nasira ang 13 transmission line o kawad ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines na palatandaan ng pagiging malupit ni Tino, tiyak namang hindi makakamit zero casualty.

Malalaman pa kung madaragdagan ang bilang ng mga namatay, kaama ang ari-arian, sa mga susunod na araw.

Alam nating lahat na kumikilos lahat, mamamayan at pamahalaan, para sa kaligtasan at kalayaan sa gutom, uhaw, sakit at iba pang perwisyo ng kalamidad.

At sana nga wala nang susunod pang bad news sa buhay ng tao kundi sa mga ari-arian lamang na tiyak namang maraming nasira.

Bukod sa mga bahay na lumubog, tiyak mayroon ding mga nasirang kagamitang panghanapbuhay gaya ng mga sasakyan, traktorang pangsakahan, negosyo sa kompyuter, mga pananim at marami pang iba.

Para sa mga inulan dahil sa shearline, amihan at inabot lang ng mga signal number 1 at 2 ng bagyo, mas naging mabuti ang kanilang kalagayan.

Bagama’t hindi nating inaalis na may mga napinsala sa baha, tiyak na mayroon ding mga nakinabang sa mga pag-ulan.

NAG-AAWAY-AWAY NA POLITIKO NASAAN?

Sa gitna ng mga kalagayan ng mga nabagyo, naamihan at na-shear line, nasaan ngayon ang mga politiko at lider ng Pinas na inuuna ang agawan sa kapangyarihan at pagnanakaw sa kaban ng bayan kaysa protektahan at pagsilbihan ang mga mamamayan?

Sa Cebu at ilang nakapaligid na bayan na tinamaan ng nakaraang lindol at ngayo’y nabagyo, nasaan ang mga ayuda ng mga hinayupak na politiko?

Noong nalindol ang mga taga-Cebu, kabilang sa mga kauna-unahang naghatid ng ayuda ang Davao City at ni Vice President Sara Duterte.

May tutulad ba sa kanya ngayon?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here