NAKAPIPINSALANG kapighatian sa bansa ang hatid ng katiwalian. At ang pangmatagalang dulot nito ay laganap na kahirapan sa karamihan ng Pilipino. Ang mga elitista sa politika ay nakahiga lang at nananagana sa iskandalosong kayamanan.
Nag-ugat nang malalim ang kultura ng korapsyon sa ilalim ni Marcos Senior… at sa paglipas ng mga dekada, na-institutionalize ang katiwalian sa bawat antas ng gobyerno. Naabot ang pinakanakaririmarim na anyo nito sa ilalim naman ni Marcos Junior.
Sa panahong ito, ang serbisyo-publiko ay hindi na “calling” – bagkus ay naging shortcut sa mga prebilehiyo at pagpapayaman ng mga sakim na politiko.
Habang ang mga mambabatas at mga pampublikong opisyal ay nangungulimbat, lalong nawawalan ng kakayahan ang gobyerno sa mga tungkulin nito.
Halimbawa, ang kawalang kakayahan sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pampubliko, sa pamamagitan ng edukasyon o pangangalagang pangkalusugan. Sa kawalang kakayahan sa pagsuporta sa sining, agham, patrimonya at palakasan sa paraang nararapat sa kanila. Sa hindi wastong pagpapatupad ng hustisya sa mabilis na paraan. Sa madaling salita, ang katiwalian ay nagdulot ng kawalan ng kakayahan sa gobyerno.
Uunlad lamang ang bansa kapag ang kulturang ito ng katiwalian ay nabuwag at napalitan ng isang nakabatay sa integridad.
Kabaligtaran ang ginagawa ni Dayunyor. Sa halip na lansagin ang makinarya ng katiwalian, lalo pa niya itong pinagtibay sa pamamagitan ng pag-apruba sa tatlong magkasunod na budget na lumolobo sa “pork” at unprogrammed appropriations.
Ang “unprogrammed appropriations” (UAs) o mga item sa badyet na walang tinukoy na layunin – ay napakagarapal. Tinataya ng mga eksperto na ang katiwalian ay umubos ng higit-kumulang P1.6 trilyon taun-taon.
Bilang Pangulo, dapat ay epektibo niyang hinaharap ang pinakamalalim na sakit ng bansa nang may determinasyon. Ngunit hindi nga ganito ang nangyayari. Ang kanyang mga aksyon ay hindi makitaan ng intensyon na maging isang transformative leader.
Para makaiwas sa galit ng mga tao sa laki ng katiwalian, ang kanyang tugon ay likhain ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) – isang komisyon na kulang sa kagamitan upang harapin ang mga “nakatagong interes” ngunit limitado ang kapangyarihan. Ang pokus ng imbestigasyon ay sa maliliit na isda at hindi sa malalaking buwaya sa lehislatura.
Hanggang ngayon, walang naiuulat na pag-aresto. Walang utos na hold-departure order (mga lookout notice lang). Limitado ang pag-freeze ng asset sa ilang mas mababang antas na opisyal. Ayaw pa rin kanselahin ang pasaporte ni Zaldy Co. Sa halip, puro pangako na malapit na raw may makulong.
Lumalaki tuloy ang pangamba na si Marcos ay nag-oorkestra ng isang whitewash upang protektahan ang mga kaalyado sa pamamagitan ng pagtugis sa ilang “sakripisyong tupa”.
Ang mga retorika ni Pangulong Marcos ay malakas, ngunit ang mga resulta ay hungkag at walang saysay.






