ITINUTURING na ngang katiting ang P85 na dagdag-sahod kada araw para sa mga obrero sa Metro Manila, na-temporary restraining order pa ng isang Regional Trial Court-Pasig City.
Hindi tuloy malaman kung matutuloy ang pagtaas ng sahod o hindi dahil ang TRO ay tutuloy sa isang pagdinig ng korte.
Hindi rin klaro kung mababawasan ito sa halip na madagdagan o manatili.
Pero sa totoo lang, kaya ito ng malalaking kompanya na malalaki ang tinutubo.
At tiyak na mahihirapang ipatupad ito ng karamihan ng micro, small and medium enterprises na bumubuo ng pinakamalaking bulto, 99.6 porsyento, ng mga negosyo sa Pinas.
Ang micro na may 1-9 obrero, 90.4% ang dami ng mga ito; ang small na may 10–99 obrero – 8.8%; at ang medium na may 100-199 obrero – .4% lang.
Ang malalaki, .4% lang ang bilang nila, ayon mismo sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ngayon naman, panukala pa lang na batas ang pagsibak sa system loss sa kuryente, umaangal na lahat ang generator, distributor at kooperatiba ng kuryente.
Anila, hindi umano maiiwasan ang system loss dahil may nawawalang kuryente paglabas ng mga planta o generator patungo sa mga grid, distributor at kooperatiba hanggang makarating ang kuryente sa mga konsyumer, bukod pa sa mga gawang jumper.
Ang mga generator o planta, distributor at kooperatiba, papayag sila na mawala ang systems loss kung babalikatin ito ng pamahalaan.
Kung hindi papayag ang gobyerno, hindi kaya gagawa ng paraan ang mga ito gaya ng overpricing para makabawi?
Alalahaning lumilitaw na sa bansang bumubuo ng Association of Southeast Asian Nations, Pinas ang may pinakamahal na kuryente dahil sa Electric Power Industry Reform Act na nag-alis ng kapangyarihan sa pamahalaan na kumontrol sa negosyo at pagpepresyo.
Kung mamalasin ka nga naman!






