Home OPINION TAKOT SA BULLY, HANGGANG KAILAN?

TAKOT SA BULLY, HANGGANG KAILAN?

1
0

ISA na namang nakapanlulumong pangyayari ang naganap sa loob mismo ng isang paaralan—ang lugar na dapat sana’y nagsisilbing ligtas na tahanan ng mga mag-aaral. Ang mas masakit, hindi ito simpleng pang-aasar o biruan lamang. Isa itong seryosong kaso ng pambu-bully, pangingikil, pananakit, at pagbabanta.

Ayon sa impormasyong aking natanggap, isang payat at maliit na babaeng mag-aaral mula sa Barangay Gumamela, Balayan, Batangas ang ilang ulit na biktima ng tatlong lalaking estudyante ng Balayan National High School. Una siyang kinikilan ng P300. Nang hindi na makapagbigay kinabukasan, inabangan siya sa comfort room, sinakal hanggang halos hindi makahinga, at hiniwa pa ng blade ang kanyang mga palad. Pagkatapos ay binantaan pang huwag magsusumbong.

Dahil sa matinding takot, nanatiling tikom ang bibig ng biktima. Ngunit nang mapansin ng kanyang mga kaklase ang pagdurugo ng kanyang kamay, doon lamang nalaman ng guro ang nangyari. Nilapatan siya ng paunang lunas at kalaunan ay pinauwi. Ang tanong ko: Bakit doon nagtapos ang aksyon?

Hindi ba nararapat na agad naiparating ito sa punong-guro? Bakit hindi agad tinawagan ang mga magulang o guardian? Kung may guwardiya ang paaralan at may nakaantabay pang mobile patrol, bakit walang agarang koordinasyon upang mahuli o mapigilan ang mga sangkot? Hindi ba ito bahagi ng tungkulin ng paaralan sa ilalim ng child protection policy?

Sa kabutihang-palad, mabilis ang naging pagtugon ni Barangay Chairman Pablo “Phol” A. Dela Vega ng Barangay Gumamela. Bilang isang retiradong pulis, agad niyang inalalayan ang pamilya ng biktima, nakipag-ugnayan sa paaralan, sa barangay ng mga hinihinalang sangkot, at sa pulisya upang masimulan ang tamang proseso.

Hindi ko layuning husgahan ang sinoman. Ngunit kung totoo ang mga pangyayaring ito, malinaw na may kailangang repasuhin sa sistema ng pagtugon ng paaralan sa mga kaso ng bullying.

Panahon na upang kumilos ang Department of Education. Hindi sapat ang pagkakaroon ng Anti-Bullying Policy kung kulang naman ang pagpapatupad nito. Kailangang magkaroon ng mas mahigpit na protocol at regular na pagsasanay sa mga guro at school personnel kung paano reresponde sa mga ganitong insidente. Ang bawat minuto ng pagkaantala ay maaaring magdulot ng mas matinding pinsala sa isang bata.

Ang bullying ay hindi dapat minamaliit. Kapag ang isang bata ay natakot nang magsalita sa loob mismo ng paaralan, hindi lamang siya ang nabigo—nabigo rin ang sistemang dapat sana’y nagpoprotekta sa kanya. Ang mga paaralan ay hindi lamang dapat maging sentro ng pagkatuto, kundi tunay na kanlungan ng kaligtasan, dignidad, at pag-asa ng bawat mag-aaral.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here