HABANG tumatagal ang pagdinig sa impeachment court, unti-unti na ring nagsasawa ang publiko sa paulit-ulit na argumento at akusasyong tila umiikot lamang sa iisang usapin.
Sa halip na maging malinaw ang direksyon ng proseso, mas nagmumukha itong isang mahabang palabas na puno ng bangayan at palitan ng maaanghang na pahayag.
Sa aking pananaw, hindi ito ang inaasahan ng mamamayan sa isang impeachment court. Ang nais makita ng publiko ay isang patas na paglilitis na nakabatay sa batas, matitibay na ebidensya, at malinaw na mga argumento. Hindi kailangan ng mahahabang talumpati kung wala namang naidudulot na linaw sa isyu.
Sa kabilang banda, hindi rin naman dapat madaliin ang paghusga. Habang nagpapatuloy ang proseso, tahimik lamang na mino-monitor ng mga mamamayan ang bawat pangyayari. Mas mapanuri na ngayon ang publiko at marunong nang timbangin kung alin ang may katotohanan at alin ang bahagi lamang ng istratehiyang pampulitika.
Hindi rin maikaiila na habang papalapit ang susunod na halalan, nagbabago ang ihip ng hangin sa pulitika. Lumalabas ang iba’t ibang taktika at damage control upang mapangalagaan ang interes ng magkakaibang kampo. Bahagi na marahil ito ng pulitika, ngunit hindi dapat mawala ang tunay na layunin ng paglilitis—ang paghahanap ng katotohanan.
Naniniwala akong ang lahat ng bagay ay may hangganan. Darating ang panahon na matatapos din ang prosesong ito at lalabas ang pasya. Anoman ang maging resulta, mas mabuting ito ay nakabatay sa batas at sa mga ebidensyang iniharap, hindi sa lakas ng impluwensya o sa husay ng propaganda.
Maaaring manaig ang may mas malaking makinarya at intelligence network. Ngunit naniniwala pa rin akong may panahon ng pananagutan. Darating din ang araw na ang bawat desisyon, maging ang mga nakabinbing warrant of arrest at iba pang usaping ligal, ay haharap sa tamang proseso ng batas. Doon tunay na masusukat kung sino ang nanaig—ang kapangyarihan o ang katotohanan.






