Home OPINION SENATOR LACSON BINASTOS NI ROMUALDEZ ET AL?

SENATOR LACSON BINASTOS NI ROMUALDEZ ET AL?

301
0

HALATANG pananabotahe kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang hindi pagsipot ng mga mambabatas na dapat ay humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa halip na sumipot, pinili nilang talikuran ang panawagan ng Senado at magkubli sa likod ng Independent Commission for Infrastructure. Kung may larawan ng pambabalewala sa institusyon o Senado, ito na ’yon!

Hindi dumalo sina dating House Speaker Martin Romualdez at labintatlong kongresista kabilang sina Eric Yap, Arjo Atayde, Roman Romulo, Marcy Teodoro, at iba pa—mga pangalang paulit-ulit na lumulutang sa testimonya ng mga saksi sa umano’y kickback scheme sa flood control projects.

Imbes na harapin ang mabibigat na tanong, pinili nina Romualdez at iba pa na hindi siputin ang ikapitong pagdinig. Isang malinaw na mensahe ito: bahala ka diyan, Ping.

Ayon kay SBRC chair Lacson, ipinabatid sa kanya ni House Speaker Bojie Dy sa liham na hindi dadalo ang mga kongresista upang “maiwasan ang prejudice” sa imbestigasyon ng ICI.

Pero tila mas gusto ng mga mambabatas ang imbestigasyong kontrolado—iyon bang hindi sila masyadong mapapahiya, hindi mapipilit sumagot, at lalong hindi makukulong sa sarili nilang pahayag.

Ang mas nakakainsulto pa, hindi man lang nakitaan ng pagsisikap ang mga inimbitang mambabatas na magpakita ng intensyon nilang humarap sa komite ni Lacson imbes, ang gusto na lang nila ay magtago.

Sana lang, kahit virtual appearance ay nagpursige sila para lang maipakita na hindi sila takot na harapin ang mga akusasyon sa kanila. Pero wala. Kahit simpleng courtesy call sa Senado, wala.

Ang malinaw ay ito—tinapakan nila ang Blue Ribbon Committee at ang mismong institusyon ng Senado na siyang may kapangyarihang o tungkuling magsiyasat.

Hindi rin dumalo si dating kongresista Zaldy Co, na sinasabing major player sa kontrobersyang ito. Medical reasons daw. Pero bakit tuwing may imbestigasyon, bigla na lang nagkakaroon ng “global health crisis” ang mga nauugnay sa katiwalian? Samantalang ang mga biktima ng bahang dulot ng mga substandard o ghost flood control projects ay walang pagkakataong mag-sick leave.

Mas masakit pa rito, nagbitiw kamakailan si Lacson bilang chair dahil sa “disappointment” sa sariling mga kasamahan. Ni-reinstate siya kamakailan pero imbes na masuklian ng respeto, mas mukha pa siyang pinagtulungan.

Sa pulitika, bihira ang tuwirang pambabastos. Pero ang “no-show” na ito, hayag na hayag—snub, cold shoulder, deliberate insult.

Habang lumulubog ang mamamayan sa baha at utang, lumulubog naman ang integridad ng mga institusyon sa harap ng ganitong pagwawalang-bahala. At kung kaya nilang isnabin ang Senado, paano pa kaya ang karaniwang Pilipinong araw-araw na lumalaban para mabuhay?

Ano ba ang ikinatatakot ng mga inimbitahan sa Senado? Kung talagang malinis sila, bakit takot humarap? At kung takot humarap, ano ang itinatago?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here