IPINAALAM ng Supreme Court (SC) na nitong Nobyembre 11, 2025, ay isinantabi nito ang pinagsamang mga petisyon na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng Republic Act No. 12232, ang batas na muling nagsasaayos ng iskedyul ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa naging desisyon ng SC, sinabi nitong legal at naaayon sa Saligang Batas ang naturang batas dahil ito ay isang “term-setting law” o batas na nagtatalaga ng haba ng termino, at hindi isang batas na nagpapaliban ng eleksyon.
Sinabi ng SC na hindi saklaw ng tinatawag na “Macalintal guidelines” na nagbibigay ng limitasyon sa kapangyarihan ng Kongreso sa pagpapaliban ng eleksyon ang R.A. No. 12232 na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., nito lamang Agosto 2025.
Binigyang-diin ng SC alinsunod sa Article X, Section 8 ng Konstitusyon, may kapangyarihan ang Kongreso na itakda ang haba ng termino ng mga opisyal ng Barangay.
Matatandaan na matapos malagdaan ang batas ay naghain ng petisyon sina Atty. Romulo Macalintal, John Barry Tayam, at Mystro Yushi Fujii, na kinuwestiyon ang paglipat ng eleksyon mula December 2025 patungong November 2026.
Ayon kay Atty. Macalintal, labag umano ito sa karapatan ng mamamayan sa botohan at impormasyon, at walang mabigat na dahilan ang Kongreso para ipagpaliban ang eleksyon.
Subalit, ayon sa desisyon ng SC, hindi nilalabag ng batas ang karapatang bumoto ng publiko dahil nananatiling regular at tiyak ang pagdaraos ng eleksyon, pinalitan lamang ng batas ang haba ng termino mula tatlo tungong apat na taon, at nananatiling pana-panahon at tiyak ang eleksyon.
Dagdag pa ng SC, alam ng mga botante kung kailan muli silang boboto at maaari pa rin nilang panagutin ang mga opisyal sa itinakdang panahon. Hindi rin ito diskriminatoryo, sapagkat ang mga Barangay ay naiiba sa iba pang local government units (LGUs) dahil sa mas maliit nilang saklaw at mas direktang ugnayan sa mamamayan.
Layunin ng R.A. No. 12232 na maseguro ang katatagan ng pamamahala sa Barangay, bigyan ng sapat na panahon ang mga opisyal na ipatupad ang kanilang mga programa, at magkaroon ng maayos na transition period bago ang susunod na eleksyon.






