MAHIGIT isang buwan na lamang at Pasko na namang muli, pero sumapit ito, kaliwa’t kanan ang nagaganap na mga pagtitipon at handaan. At sa mga okasyong katulad nito, hindi kumpleto ang kasiyahan kung wala ang “star ng handaan,” walang iba kundi ang lechon na nagbubuklod sa magkakamag-anak, magkakaibigan, at maging magkakapitbahay.
Sa bawat putok ng balat at bawat hiwa ng malutong na laman, nagiging simbolo ang lechon ng kasaganaan, selebrasyon, at sama-samang pagdiriwang. Kaya naman ang anomang usapin tungkol dito, lalo na ngayong papalapit ang Pasko, ay may bigat na direktang tumatama hindi lang sa sikmura kundi sa puso ng tradisyong Filipino.
Kaya’t hindi maiiwasang mabahala ang marami nang maglabas ng temporary closure order ang Quezon city LGU sa La Loma matapos matuklasang may ilang baboy sa lugar ang nagpositibo sa African Swine Fever (ASF). Ang La Loma ay itinuturing na sentro ng lechon sa Metro Manila kaya naman ang balitang ito ay naging seryosong usapin para sa kaligtasan at tiwala ng publiko.
Ayon sa Quezon City Veterinary Department (CVD), katuwang ang Bureau of Animal Industry (BAI), nagsagawa sila ng masusing inspeksyon sa mga establisimyentong nagle-lechon bilang bahagi ng regular na pagsusuri. Mas pinaigting nila ito ngayong papalapit ang Kapaskuhan, dahil tradisyunal na panahon ito ng mataas na demand sa karne. Sa isinagawang pagsusuri, natukoy ang mga baboy na nagpositibo sa ASF, dahilan para agad irekomenda ang culling upang hindi na lumaganap pa ang sakit.
Bilang tugon, inilabas ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang Temporary Closure Order noong gabi ng November 12, alinsunod sa rekomendasyon ng CVD, BAI, at City Health Department (CHD). Ang hakbang na ito ay hindi para takutin ang publiko, kundi para protektahan ang kaligtasan ng mamamayan at reputasyon ng industriya ng lechon.
Mahalagang linawin na hindi naipapasa sa tao ang ASF, ngunit nakakahawa ito sa mga baboy at mabilis kumalat kung hindi maagapan. Tiniyak ng QC government na na-isolate ang kaso sa isang partikular na bahagi ng La Loma at walang banta sa iba pang pamilihan.
Kasalukuyan nang isinasagawa ang malawakang disinfection sa mga apektadong establisimyento, pati na rin ang pagtatayo ng mga checkpoint para bantayan ang paggalaw ng mga baboy. Layunin nitong tuluyang masiguro na kontrolado at hindi na lalawak pa ang kontaminasyon. Nitong November 13, nagsagawa ng dayalogo ang lokal na pamahalaan kasama ang mga may-ari at operator ng apektadong lechonan. Tinalakay ang mahahalagang usaping pangkalusugan, kaligtasan, at operasyon na isang hakbang upang masigurong mananatiling matatag at mapagkakatiwalaan ang industriya ng lechon na ipinagmamalaki hindi lamang ng Quezon City, kundi ng buong bansa.
Tiniyak din ng pamahalaan na tutulungan ang mga negosyante upang makasunod sa tamang protocols at makabalik agad sa operasyon. Sa ganitong paraan, maipagpapatuloy pa rin nila ang paghahain ng ligtas, de-kalidad, at masarap na lechon para sa publiko.
Sa huli, ang hamon ay hindi lamang para sa mga negosyante kundi para sa atin ding mga mamimili. Patuloy na nananawagan ang QC government na tayo ay maging mapanuri, maingat, at responsable. Sa sama-samang pagkilos, masisiguro nating ang lechon, ang bida ng ating handaang Pasko ay mananatiling ligtas at karapat-dapat sa ating pagdiriwang.






